“BAKIT hindi?” ‘Yan ang sagot ni Vic Sotto kamakailan kung posible ba ang pagsasama nila ni Vice Ganda sa pelikulang pang-Metro Manila Film Festival.
“Wala namang impossible,” giit pa ni Vic na isa sa mga host ng Eat Bulaga, ang longest-running noontime show sa bansa at bida sa 2019 MMFF entry na Mission Unstapabol: The Don Identity.
“Ako naman, I would like to believe na kaibigan ko lahat. Wala akong kaaway eh, ayokong may kaaway. Siguro kasabay sa pelikula, pero it’s not necessary na kaaway ko na ‘yun,” dagdag pa ni Vic.
Kung tatanungin naman kung kailan ito posibleng mangyari, pahayag ni Vic, “I don’t know. We will cross the bridge when we get there. Open ako sa lahat, basta sa ikagaganda ng takbo ng pelikulang Filipino, eh open ako.”
Of course, nagsama na last year lang sa isang MMFF entry sina Vic at Coco Martin na sikat na sikat na noon dahil sa serye n’yang FPJ’s Ang Probinsyano sa Kapamilya Network. ‘Yon ay ang Jack Em Popoy: The Police Credibles na bida rin si Maine Mendoza.
Ang Kapamilya star na si Pokwang ang leading lady ni Vic sa MMFF entry n’ya ngayong Disyembre. Nasa cast din nito sina Jake Cuenca, Wally Bayola, Tonton Gutierez, at Maine Mendoza.
“Kami ni Maine, first time namin na gaganap na hindi mag-ama. At ang totoo pa niyan, kontra pa ang aming character,” lahad pa ni Vic.
Si Coco naman ay si Jennylyn Mercado ng Kapuso Network ang leading lady sa kanyang MMFF entry. At ang Kapusong si Ai Ai de las Alas ang gumaganap na ina ni Coco sa istorya.
Ang The Mall, The Merrier naman ang entry ni Vice Ganda at kasama n’ya for the first time ang It’s Showtime co-host n’yang si Anne Curtis.
Sa ngalan ng harmony at money, walang magkakaaway at magkakagalit na showbiz idols sa panahon ng Metro Manila Film Festival.
Next year, malay natin, sina Vice Ganda nga at Vic ang magsama sa isang MMFF entry. Sanay namang makitrabaho sa mga bading si Vic, ‘di ba?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas