IBANG klaseng babae talaga itong si Jasmine Curtis-Smith. Sa kabila ng kaabalahan sa pagpo-promote ng Culion, ang entry n’ya sa paparating ng 2019 Metro Manila Film Festival, naglaan pa rin siya ng panahon na punahin ang isang rapper na nang-insulto sa mga trans-woman.
Ipinost kamakailan ni Jasmine ang pag-slam sa rapper online for posting a video that discriminated against a transwoman.
Nag-react ang aktres sa video post sa Twitter ng rapper na si Young Vito na ang caption ay “Awit may lawit” na patungkol nga sa isang transwoman.
Ang rap ay tungkol sa pakikipagsayaw ng lalaki sa isang magandang babae na madidiskubre ng lalaki na transwoman pala.
Heto ang linyang kinainisan ng aktres: “Ang ganda niya pero parang may mali.Noong dumikit meron akong napansin: napakalupit awit may lawit.”
Tuligsa ni Jasmine: “ Anong problema mo sa mga magagandang may lawit? Ikaw ata may mali!”
Mariing idinagdag pa n’ya: “
Mag-2020 na soon, tigilan na ‘yang pagkakitid ng utak pls. Report this BS.”
Bilang reaksiyon sa aktres, nag-post naman si Young Vito ng apology sa rap n’ ya na nakakuha ng atensiyon “for the right and wrong reasons.”
‘Di pa rin napayapa ang aktres sa pagkainis. Hindi siya naniniwala sa apology ni Young Vito. Hindi raw tapat ang paghingi ng paumanhin na ‘yon dahil hindi naman tinanggap ng rapper ang post n’ya ng rap n’ya.
Ang nasabing video ay may views na na lampas sa 3-million.
Samantala, ang Culion nina Jasmine, Iza Calzado, at Merryl Soriano ay ipini-predict na siyang makakalaban ng Mindanao nina Judy Ann Santos at Allen Dizon bilang Best Picture sa MMFF 2019 na sa December 25 mapapanood.
Ang Culion ay tungkol sa tatlong magkakaibigang babae na may ketong. Ito ay idinirehe ni Alvin Yapan.
Ang Mindanao naman ay tungkol sa isang inang Muslim na ang anak na babaeng six years old ay may kanser na malubha na pero inaasahan pa rin ng ina na hahaba pa ang buhay. Si Brillante Mendoza ang direktor ng pelikula.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas