MAPAGPASENSYA si Piolo Pascual. Mas mapagpasensya kay Anne Curtis.
Kung naririndi na rin ang binansagang “papa ng bayan” na tuwing haharap sa press ay tinatanong kung kailan magkaka-girlfriend at mag-aasawa, baka dumating din siya sa puntong gayahin na ang ginawa ni Anne kamakailan.
Ilang buwan pa lang pagkakasal ng aktres sa chef-blogger na si Erwan Eussaff, sinimulan na siyang tanungin ng press at bloggers kung magkaka-baby na sila. Tinanong na naman siya ng ganoon kamakailan sa presscon para sa 10th anniversary ng It’s Showtime, at walang kaabog-abog na sinabihan n’ya ang mga kaharap n’ya na itigil na nila ang pagtatanong ng ganoon sa kanya at sa iba pang tao—pati na ang tanong kung kailan ikakasal ang isang tao.
Nakao-offend daw ang mga ganoong klaseng tanong, lalo na kung “may pinagdaraanan” ‘yung tinatanong.
Sa kaso ni Papa P, tinanong siya tungkol sa pagpapakasal kamakailan sa presscon na may kinalaman sa physical fitness. Sumagot naman siya ng very sweetly na mas gusto muna n’yang makapag-travel sa iba’t ibang bahagi ng mundo kaysa mag-isip tungkol sa pag-aasawa.
Ni hindi n’ya binanggit na impertinente ang tanong na ‘yon dahil ni wala nga siyang inihaharap sa mundo na babaeng seryosong karelasyon n’ya.
Katanggap-tanggap naman na may mga tao na hindi priority ang pagkakaroon ng anak o ng asawa sa tradisyonal na set-up. Mga normal at disenteng tao naman sila. Maayos naman ang kanilang pag-iisip at tama ang sense of values. Iba lang nga ang mga prioridad.
Pero hanggang kailan kaya makatitiyagang sumagot nang maayos si Papa P sanmga impertinenteng tanong. O dapat na ba n’yang gayahin si Anne na deretsahan nang sabihin sa press na tantanan na nila ang pagtatanong sa kanya dahil nakasasakit na ng damdamin. (Danny vibas)