MALAMANG na hindi na makaulit humiling kay John Lloyd Cruz ng cameo appearance si Shandii Bacolod, ang producer ng Culion, na nakatakdang i-submit sa selection committee ng 2019 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Nagsalita na ang actor tungkol sa pagri-release ng teaser ng pelikula na siya ang nasa last frame.
Paglabag daw ‘yon ng pinag-usapan nila ng producer ng pelikula. Ang nangangarap makabalik sa MMFF na si Alvin Yapan ang direktor ng Culion.
Pinagbawalang sumali si Yapan sa 2017 MMFF dahil sa pagpatay niya ng aso sa Oro, ang entry n’ya sa MMFF 2016 na nagwagi ng Fernando Poe Jr. Memorial Awards. Nadiskubre ang totohanang pagpatay ng aso sa pelikula pagkatapos na ng awards night ng 2016 MMFF, at naging dahilan ‘yon para bawiin ang award ng pelikula.
Sa isang text message sa ANCX website ipinabatid ni John Lloyd ang pagkadesmaya sa pagkakasali n’ya sa teaser ng Culion.
Buga n’ya sa text: “I thought including me in the teaser was preemptive. It was the opposite of what I actually requested and agreed on.
“But as much as I am drawn to the idea of letting my work, of any kind, have its own life and take its own course in terms of output (unmindful of how it mutates, grows and sometimes gets diminished) I am also wary of misleading an audience. That wouldn’t be fair. Hence, I felt compelled to clarify my participation in the film,” dagdag pa n’ya.
Malamang na ilang minuto lang talaga ang paglabas n’ya sa Culion kaya ‘di n’ya itinuturing ‘yon na pagka-comeback.
Dahil attempt pa lang ni Yapan ang Culion na pagbabalik-MMFF, sana ay ‘di makaapekto sa selection committee ang ibinunyag ni John Lloyd na paglabag ng producer sa kasunduan nila.
Ang Culion ay isang period movie na ang time setting ay Dekada 1940. Tungkol ito sa buhay sa isla Culion sa Palawan na isang community para sa mga may sakit na ketong. Ang premyadong manunulat na si Ricky Lee ang may gawa ng script. Nasa lead cast ng pelikula sina Iza Calzado, Meryll Soriano, Jasmine Curtis-Smith, Joem Bascon, at Mike Liwag. Tungkol naman kay Direk Yapan, bagama’t noong 2017 lang siya suspendido sa pagsali sa MMFF, wala siyang isinumiteng entry para sa 2018 MMFF.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas