PARANG biglang-biglang may bagong endorsement si KC Concepcion. At natanggap n’ya ang trabahong ‘yon sa panahong bina-bash siya ng ilang netizen dahil sa timbang n’ya.
Inilunsad si KC kamakailan bilang kauna-unahang Pinay endorser ng make-up na Shisheido.
Totoong hindi siya slim at ‘pag masama ang anggulo ng kuha ng litrato sa kanya mukha nga siyang mataba. ‘Di siya balingkinitan.
Minsan, dahil sa kulay, tabas, o kapit sa katawan ng tela ng damit n’ya kaya siya mukhang mataba.
Kamakailan, may netizen pang sinabihan siyang mukha siyang clown.
Ni minsan, wala siyang sinagot ng pabastos na panlalait sa kanya. May ilang pagkakataon na parang iniri-reverse psychology n’ya sila sa pagsasabing “You’re so sweet” o “I hope you’re feeling very pretty now.”
Pahayag ni KC sa media nang inilunsad siya bilang Shisheido endorser: “Kung anuman ‘yung pwede nilang sabihin para laitin ako, parang okay lang. Siguro sa tinagal ko na rin dito, you can see na mabilis din naman magbago isip nila. Kunwari, ‘Ang taba, ang taba,’ pero ‘pag biglang payat ka, wala rin naman silang masasabi. Nag-iiba naman lahat. There’s always seasons naman.”
May netizens na sinabihan na siyang “balyena,” “extra large” at “crispy pata” sa social media.
Pero biglang kambyo ng inactive actress tungkol sa pamba-bash sa kanya: “Baka mamaya, kung sino pa ‘yung nilalait mo, ‘yun pa ‘yung tutulong sa ’yo…”
Patuloy n’ya: “Kasi nangyari na sa ’kin ‘yun. Kasi super basher, super basher and then may nangyari sa kanya, sa ’kin din s’ya lumapit.”
Hindi na n’ya ipinagtapat kung anong tulong ang naibigay n’ya sa tinawag n’yang “super basher” na ‘yon. Naramdaman lang daw n’ya na mas tama na maging compassionate siya sa bashers n’ya.
Dagdag na pahayag n’ya: “Matututuhan mo rin na baka kawawa rin sila, bitter din sila, kaya sila ganoon.”
Ginu-good karma talaga ang mga nilalait na ‘di gumanti sa pamamagitan ng panlalait din.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas