KAPURI-PURIang desisyon ni Judy Ann Santos na huwag muna n’yang payagan ang anak na si Yohan na magkaroon ng kahit na anong social media account.
Hintayin muna ni Yohan na tumuntong siya ng 18 years old bago siya makapag-Facebook. Fourteen years old pa lang si Yohan.
Pinapayagan naman ni Juday na gumamit ng internet ang anak ‘pag nagri-search para sa school assignments n’ya, pero sinu-supervise n’ya ang paggamit ni Yohan ng internet.
Hindi nilinaw ng bituin ng upcoming teleserye na Starla (sa Kapamilya Network) kung may mobile phone na si Yohan na nasa junior high school na pero kung pinapayagan na n’yang gumamit ng mobile phone ang anak, malamang na pinapayagan din siya ng anak n’ya a na i-check kung saan-saan n’ya ginagamit ang gadget n’ya. Alam. n’yo na sigurong parang computer na rin ang mobile phones ngayon: nagagamit ang mga ito para sa social media.
Happily, pagbabahagi ni Juday naiintindihan naman ni Yohan kung bakit kailangang mag-18 muna siya (maging adult na) bago siya payagan ng kanyang ina na mag-indulge sa social media network.
Mukhang hindi naman nagrerebelde ang anak n’ya kahit na alam n’yang maraming batang kaedad n’ya na pinapayagan ng mga magulang na mag-Facebook at Instagram. Ibig sabihin, hinahayaan sila ng mga magulang nila na magsinungaling. Actually, may regulasyon ang Facebook at ang Instagram na dapat ay 18 years old na ang isang tao para makapag-Facebook o -Instagram.
Noong Lunes ng gabi (Abril 8), ibinalita ng ABS-CBN newscast ang nangyari sa ilang kabataan na halos pinaghubad ng mga kausap nila na nangakong bibigyan sila ng iPhone ‘pag may ginawa silang “simpleng” bagay lang sa harap ng kamera ng cellphone na gamit nila: itataas lang nila mula sa bewang nila hanggang sa ulo ang blouse o T-shir nila (kung lalaki ang kabataan).
Maraming kabataan ang mabilis na sumunod na gawin ang pabor na ‘yon sa kausap nila na sa social media lang nakilala na ni hindi nagtanong kung bakit kailangang gawin ‘yon. Ang nasa isip lang ng teenager ay magkaka-iPhone sila.
Naghintay nang naghintay ang mga inosenteng bata na mai-deliver sa kanila ang iPhone. Nang mainip na sila at kinontak ang mga nangako sa kanila, wala nang nagri-reply. Maaari ngang blocked na sila.
Mas matatanda kaysa kay Yohan ang mga napanood naming teens na nabiktima sa social media. Siguro nga, maski na 18 years old na siya at nag-social media na, dapat pa ring tingnan ni Juday ang laman ng mobile phone n’ya o ng laptop para makasigurong wala siyang “friend” na lihim na opportunist.
Mga magulang, pamarisan n’yo po si Judy Ann.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas