KUNG isa kayong balikbayan na nilayasan na ang America dahil wala naman kayong nakikitang magandang kinabukasan sa pagkalaki-laking bansa na ‘yon, maiintindihan n’yo kung bakit nagalit si Tony Labrusca noong ayaw siyang bigyan ng isang taon na permit na manatili sa Pilipinas pagkagaling n’ya sa US.
Sa Pilipinas siya may nakikitang magandang kinabukasan. May mga project na ang KapamilyaNetwork para sa kanya ngayong 2019. Nasa cast siya ng isang serye at may pelikula na ring na ka-assign sa kanya.
Sa isang report kamakailan ng ABS-CBN News website, naghingian ng tawad sa isa’t isa si Tony at ang kanyang ina dahil sa hindi nila nabigyan ng ginhawa sa buhay ang isa’t isa noong nasa US pa sila. Inamin pa nga ni Tony na nagsya-shoplift siya sa 7-11 ‘pag wala siyang pera at nagugutom na. Parang pareho silang mag-ina na walang regular na hanapbuhay sa US noon.
Nakagugulat na ang dami palang inis, kundi man galit talaga, kay Tony. Noong panahon na ipinu-promote at ipina-publicize pa ang Glorious nila ni Angel Aquino, parang lahat ay natutuwa, kundi man naaakit sa kanya. Ngayong nakagawa siya ng maliit na pagkakamali, biglang-biglang muhi na sa kanya ang napakaraming Pinoy netizens.
Gusto lang ba siya ng madlang Pinoy ‘pag wala siyang pang-itaas at idini-display ang abs at ang dibdib n’ya?
Nag-apologize na ‘yung tao, at unang pagkakamali pa lang n’ya ‘yon kaya patawarin na muna natin ang pobreng balikbayan.
Malamang na ‘di na siya uli aasta ng ganoon. Alam na n’yang sa panahon ng social media, halos wala nang maililihim na pangyayari na sa publiko naganap.
Hindi naman po nakapatay ng tao, nagpanggap na recruiter, nagbenta ng droga, o nagnanakaw sa kaban ng bayan. Uminit lang ang ulo n’ya at tumaas ang boses. ‘Yon lang. Kaya patawarin na po natin. Huwag po nating sirain ang kinabukasan n’ya. Mahabag po tayo!
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas