MAY entries sa listahan na ito na ‘di na kailangan ng tsika (paliwanag) kung bakit kabilang sila sa pinakamaiinit na bituin ng Pinoy Showbiz 2018. Pero may ilan din namang kailangan ng kaunting paliwanag kung bakit isinali namin sa listahan.
Kung wala sa buhay ng madlang Pinoy ang showbiz idols na inilista namin dito, nakabuburyong, tuyot na tuyot, walang sigla ang sambayanang Pinoy noong 2018. Pampasaya at pampasigla talaga ang showbiz. Parang imoral man, kulang ang respeto sa sarili ang ilan sa kanila, hitsurang mga diyos at diyosa sila sa kakisigan at kagandahan na pinatindi pa ng siyensya ng pagpapaganda na affordable sa gaya nilang malaki ang kita. Pero marami sa kanila ang talaga namang super talented at napaka-magnetic ng personalidad kaya’t lagi silang pinag-aaksayahan ng panahon ng madlang Pinoy.
1. Kapamilya young love teams nina Kathryn Bernardo–Daniel Padilla at Nadine Lustre-James Reid.
2. Ang walang ka-love team na si Coco Martin at ang parang wala nang katapusang FPJ’s Ang Probinsyano ng Kapamilya Network na bumuhay sa mga halos patay ng careers ng maraming showbiz idols sa pangunguna ni ex-Sen. Lito Lapid.
3. Ang tuluyan nang pagtalikod ng lasenggong aktor na si John Lloyd Cruz sa umepek pa rin naman n’yang showbiz career para makipag-live in sa may pagkalasengga ring sexy starlet na si Ellen Adarna.
Kakambal ng showbiz “teleserye” ng buhay nina John Lloyd at Ellen ang halos isang taong pag-e-emo ni Angelica Panganiban sa pagliligwak sa kanya ni John Lloyd in favor of that lasenggang sexy starlet.
4. Ang pagkakasali ni Kris Aquino bilang ekstra sa Crazy Rich Asians at ang iba pang drama ng kanyang buhay bilang anak ni Pres. Cory Aquino, kapatid ni Pres. Noynoy Aquino, bilang ina ng dalawang batang lalaki, bilang negosyante at reyna ng social media network. Kabilang sa mga madrama n’yang eksena sa tunay na buhay ay ang pagpatol n’ya sa social media outlets sa napaka-eccentric at erratic na si Mocha Uson na nag-feeling diyosa na sa social media sa kabila ng kahinaan ng kanyang utak.
5. Ang pagiging mistulang international female action star ni Anne Curtis dahil sa pelikulang Buybust na tinanggap at pinuri sa maraming international film festivals. Sa Busan International Film Festival sa Korea, ipinalabas ‘di lang ang kanyang Buybust kundi pati ang romantic drama na Sid & Aya.
6. Ang one-time reunion ng ex-couple na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa isang fastfood chain commercial na inakala ng megastar na ‘yon ang pagre-reunite rin nila sa pelikula. Nagpakipot ang ama ni KC Concepcion kaya ang nakabalik-tambalan ng megastar ay ang ex-boyfriend n’yang si Richard Gomez. Nakapag-comeback din si Shawie sa concert circuit. Parang si Kris Aquino si Shawie na humaling sa social media kaya laging alam ng netizens ang mga pa-emote-emote n’ya sa Instagram na nai-interpret tuloy ng madla na halos wasak na umano ang marriage n’ya kay Sen. Kiko Pangilinan.
7. Ang mistulang biglang pagsikat ng mga pelikula sa buhay ng mga 80 years old and above at nangunguna sa pinagbibida sa mga ito na si Eddie Garcia (na naging lutang na lutang ding kontrabida sa FPJ’s Ang Probinsyano). Nagsimula ang “uso” na ito sa mga indie film festival na gaya ng Cinemalaya at umabot na sa 2018 Metro Manila Film Festival na bida sina Eddie, Gloria Romero at Tony Mabesa. Parehong almost 80 years old na sina Eddie at Gloria.
(ABANGAN PO ANG PART 2)
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas