PARANG doktora na rin pala si Jodi Sta. Maria ngayon. Para lang naman!
“Certified Acupuncture Detoxification Specialist” na pala siya ngayon.
Alam n’yo na siguro na ang acupuncture ay ‘yung paraan ng panggagamot sa pamamagitan ng pagtusok sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng special na mga alambre na kasing nipis ng mga karayom. Siyempre pa, inaaral ang paggamit ng acupuncture needles.
Tuwang-tuwa si Jodi na marunong na siyang mag-acupuncture. Aniya sa isang Instagram post n’ya: ”Today, I am a certified Acupuncture Detoxification Specialist! After a week of intense training, I found a better appreciation for those actively practicing this. When you start your day healing people from 8am to 5pm, you realize that this is hard work…”
Bale isang propesyon din ang pagiging acupuncturist. Pero higit pa sa isang propesyon ang turing n’ya sa pagiging acupuncturist. Paglilinaw n’ya:
“It is when we meet others’ needs that our needs are satisfied in the process. By healing an individual, you heal a community. You need not be a medical practitioner to do this – all you have to be is someone who cares for another person’s well being.”
Balak siguro ng aktres na maging volunteer acupuncturist sa mga medical mission para nga makatulong siya sa kapwa tao. Wala naman siyang ini-announce na magtatayo siya ng acupuncture clinic o magtatrabaho siya sa isang klinika.
May mga MD (Doctor of Medicine) na nag-aral ding maging acupuncturist. Noon ay nabanggit ni Jodi na pangarap n’yang maging doktor at kaya Psychology ang inaaral n’ya ngayon sa kolehiyo sa isang international school sa Makati ay dahil tatanggapin ‘yon na pre-Medicine course basta’t makapasa lang siya sa entrance exam ng medical school na pinag-a-apply-an n’ya.
Pero mukhang iba na siyang pangarap, lalo pa’t bilang acupuncturist ay nararanasan na rin n’ya ang magserbisyo sa mga pasyente.
Pagtatapat n’ya sa isa pa n’yang Instagram post: ”This is your Captain Jodi Sta. Maria speaking. Cabin Crew, please prepare for gate departure. Hmmm, should I go to flying school next after Psych?”
Wow, ang maging piloto pala ang bago n’yang pangarap. Literally, napakataas na pangarap, ‘di po ba?
Oo nga pala, ‘yung paskil n’ya tungkol sa pangarap n’yang maging piloto ay caption ng litrato n’yang nasa pilot’s cockpit siya ng isang eroplano. Di n’ya sinabi kung sa isang commercial plane ng isang airlines o personal na pag-aari ng isang kaibigan n’yang bilyonaryo. (Opo, may mga bilyonaryong banyaga at Pinoy na may sariling eroplano. ‘Di po helicopter lang kundi eroplano! Si Sen. Juan Ponce Enrile ay isa sa mga ubod-yaman na Pinoy na may sariling eroplano.)
Napakamahal mag-aral na maging piloto. Kasing mahal din siguro ng pagdo- Doctor of Medicine. Kayang-kaya naman siguro ng kita at savings ni Jodi ang mag-aral sa aviation school (tulad din ng pagiging kayang-kaya ng financially na mag-aral ng Medicine).
At parang kayang-kaya rin ng utak n’ya ang pag-aaral para maging piloto (o maging doktor). ‘Di ba’t ibinabalita n’ya palagi tuwing nagiging Top 1 student n’ya sa Southville International School and Colleges?
Nagiging Top 1 siya kahit na noong panahong busy siya sa pagte-taping ng teleserye nila ni Robin Padilla na Sana Dalawa ang Puso sa Kapamilya Network. Bukod doon, busy din ang aktres sa pag-aalaga ng anak n’ya (na lalaki) sa ngayon ay ex-husband na n’yang si Pampi Lacson (na anak naman ni Sen. Panfilo Lacson).
Kahanga-hanga talaga si Jodi.
Samantala, naghahanda na rin pala si Jodi para sa forthcoming teleserye n’yang Mea Culpa sa Kapamilya Network. Wow, makakatambal n’ya ang hot na hot ngayon na si Toni Labrusca at makakatrayanggulo nila si Bela Padilla. Mala-Gloriouskaya ang istorya? Abangan na lang natin!
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas