PINASINUNGALINGAN ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang umano’y sulat niya sa House Committee on Congressional Franchise na nag-uutos sa hepe ng komite na ayusin ang prankisa ng isang bagong kompanya ng koryente sa Iloilo at ang rekomendasyon sa isang aplikante sa Bureau of Customs.
“We would like to clarify that both letters are fake. The Speaker nor her Office has not issued any correspondence over any electric franchise. The Speaker is focused on passing the 16 bills in the legislative agenda of President Duterte. She also does not endorse any applicant to any government position,” pahayag ng opisina ni Arroyo kahapon.
Ayon sa pahayag, nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad para alamin ang pinanggalingan ng naturang pekeng liham.
Nakasaad sa sulat na iniutos ni Arroyo kay Alvarez na ayusin ang pagpasa sa prangkisa ng kompanya ng koryente.
Ayon kay Palawan Rep. Franz Alvarez, ang pinuno ng komite, walang katotohan ang liham.
“Ayaw na po sana nating bigyan ng dignidad ‘yung sulat na iyon, pero siguro once and for all sagutin natin, at sabihin natin talagang peke ‘yung sulat na ‘yan. Uulitin ko, peke ‘yung sulat na ‘yan,” Ayon kay Alvarez sa isang interbyu sa radyo.
Nakasulat sa liham: “You are hereby commanded to set a Bicameral Conference Committee meeting with your counterpart in the Senate c/o Senator Grace Poe Llamanzares of the Committee on Public Services tomorrow, December 5, 2018 at 10 AM, at Embassy Ballroom A Hotel Jen at Roxas Boulevard, Pasay City.”
“Hindi po ginagawa ng Speaker ‘yung ganyan na pinapakailaman kami… sa committee na aming trabaho,” ani Alvarez.
“Unang-una, makikita naman sa lengguwahe sa sulat na ginamit. Parang bata po ‘yung gumawa ng sulat.”
“Pangalawa, ‘yung mga pirma ay peke. Pangatlo, kung makikita n’yo po doon sa sulat, sa top right-most part ‘yung may received ng opisina po kuno, ay makikita po kung inyong lalakihan ay mayroong puting rectangle na hindi consistent sa kulay ng sulat. Para bang idinikit lang po,” dagdag ni Alvarez.
ni Gerry Baldo