SOSYAL na sosyal na pala talaga ngayon ang kauna-unahang Pinay na opisyal na miyembro ng Victoria’s Secret Angels na si Kelsey Merritt. Kapitbhay na siya nina Taylor Swift, Justin Timberlake, Meg Ryan, Beyonce, at Jay Z sa isang apartment building sa Tribeca, New York.
Aniya sa isang Instagram post n’ya ilang araw lang ang nakaraan: “From Chelsea to Tribeca. So excited I’m moving in my new apartment today!!!”
Mukhang malaki at maluwang naman ang apartment na nilipatan n’ya.
Kamakailan lang ‘yung unang grandeng pagrampa n’ya sa isang prestigious Victoria’s Secret fashion show. Nag-upload din siya sa Instagram n’ya ng mga video ng pagrampa n’ya sa iba’t ibang fashion show nito.
Sabi n’ya sa caption ng video: “The moment you see yourself on TV. Ahhhh!!! So happy I get to share this moment with my girls.”
Sa Pampanga ipinanganak at lumaki si Kelsey pero sa Ateneo de Manila University siya nagtapos ng college noong 2015.
Noong 2016 lang siya sa US nag-apply sa ilang modelling agencies sa New York at pinalad nga siyang i-sign up sa paglaon ng world-famous na Victoria’s Secrets.
Mukhang mahusay na rin siyang mag-Ingles ngayon na may American accent. Naipagtapat n’ya minsan sa isang interview sa isang magazine sa US na noong nag-aaral pa siya sa Ateneo, halos napapahiya siya na mas mahusay pang magsalita ng Ingles na may American accent ang mga kaklase n’yang Pinoy na Pinoy.
Noong nasa Pilipinas pa siya, alam n’yo bang isa sa napagmodelohan n’ya ay ang mga audio-visual presentation ng Will Tower ni Willie Revillame?
Noong unang napabalitang pinapirma na si Kelsey ng Victoria’s Secret, ipinost ni Willie sa Facebook ang isa sa audio-visual production para sa sales and marketing ng condominium building tower na ‘yon na si Kelsey ang model.
Naipagtapat din nga pala ni Kelsey sa mga interbyu sa kanya sa US media na nananatili pa rin siyang madasalin. Bago nga siya mag-audition noon para sa Victoria’s Secret, naghanap siya ng chapel na mapagdadasalan. Pagkatapos n’yang mag-audition, nanalangin na naman siya uli na sana ay matanggap siya. (BIhira ang Catholic church and chapels sa Amerika dahil higit na mas maraming Protestante roon kaysa Katoliko.)
Siguro naman, kayang-kaya na ngayon ni Kelsey na magdasal kahit na wala siya sa harap ng altar. Dama na siguro n’yang ang Diyos ay nasa kalooban ng bawat isa sa atin, kaya pwede naman tayong makipag-ugnayan sa Diyos anumang oras at saanman.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas