PARANG every 15 minutes ng pelikulang Glorious, naglilingkisan at naglalaplapan ang babae at lalaking ginagampanan nina Angel Aquino at Tony Labrusca. May ilang eksena rin ng sex sa kama sa loob ng kuwarto. Iba pa ‘yon, siyempre pa, sa mga lingkisan-laplapan sa kung saan-saan.
Happily, may istorya naman ang pelikula kahit paano. At parehong napakahusay ng acting nina Angel at Tony hindi lang sa maaalab na eksena kundi pati sa mga pangyayaring walang kinalaman sa passion at sex pero makabuluhan sa buhay ng tao.
Tigang na babaeng hiwalay sa asawa si Glory (Angel), may tatlong anak na ang isa ay babae, may negosyong pottery at may panahon na relihiyosa siya. Tigang lang siya sa sex pero ‘di tigang ang katawan at kagandahan n’ya. ‘Di nga siya halatang 50 na.
Sa ganda, kaseksihan, at kadisentehan n’ya mala-love at first sight si Niko (Tony) na 25 years old pa lang, napakainit ng dugo sa sex, pero disente pa rin naman, at may hanapbuhay. May isang babaeng kaedad n’ya, hibang na hibang sa kanya, pero lasengga, at habol nang habol sa kanya, kaya ayaw n’ya. At sa isang matrona na ‘di-mukhang matrona siya mai-in love. ‘Di pera ang habol n’ya. Talagang gusto n’ya ang matrona. Palaki siya ng isang matron-a sa awtoridad.
Happily, gusto rin siya ng matronang tigang. Pero si Bryan ang nang-seduce sa kanya. Sabik na rin siya sa intimacy, kaya bibigay siya agad sa guwapo at karinyosang binata na mas bata pa ng isang taon sa anak na bunso ni Glory. Sa simula ng pelikula, magsasarili si Glory sa pagpapaligaya sa sarili. Muntik pa nga siyang mahuli ng bunso n’yang anak na babae!
Agresibong binata si Njko. Niyaya n’yang makipag-live-in sa kanya si Glory. Pumayag ang matrona. Pinayagan din siya ng mga anak n’ya. Sa isang magandang bahay sila titira. Ipinapagamit daw ‘yon kay Niko nang libre ng isang kaibigan.
Biglang magsasara ang hardware na pinagtatrabahuhan ni Niko. Ayaw n’yang si Glory ang bumuhay sa kanya kaya niyaya n’ya si Glory na sumama sa kanya na umuwi sa tribu nila (katutubo sa Cordillera ang angkan ni Niko). Sumama pa rin si Glory.
Tuloy pa rin ang pagpapasasa nila sa sex sa bayan ni Niko. Nanatili pa rin namang mabait si Bryan, pero sa tribu na ‘yon madidiskubre ni Glory ang isang aspeto ng personalidad ng binatang kinahibangan n’ya na magtutulak sa kanya na gumawa ng isang desisyon na magpapakitang mas matatag, mas matibay, at mas makabago siya kaysa agresibong binata na mainit ang dugo. Isang pasyang hindi n’ya babawiin kahit na noong madiskubre n’yang nagdadalantao pala siya. Akala n’ya noong una ay lagpas na siya sa kapasidad na mabuntis.
Actually, feminist ang pelikula. Ultimately, si Glory lang ang bida sa istorya. Bagsak ang dignidad ng dalawang importanteng lalaki sa Glorious. Si Bryan at si Mike, ang ex-husband ni Glory na ginampanan ni Allan Paule na may sarili ng pamilya sa syudad. Brutal na asawa si Mike bagama’t nakapagpundar naman ng bahay at nakapagpaaral ng mga anak.
Madali namang maintindihan kung bakit feminist ang pelikula, babae ang director-scriptwriter nito na si Concepcion “Connie” Macatuno, na ang isa pang memorable film ay ang Rome & Juliet na tungkol naman sa dalawang babaeng na-in love at nagnasa sa isa’t isa habang ipinaplano ang kasal (sa lalaki) noong isa sa kanila.
Sa Glorious, maka-lola si Bryan. Hindi maka-ama. Ni hindi nga ipinakita sa pelikula ang ama ni Bryan.
Ang bulubundukin ng Cordillera ang lunan ng pelikula na breathtaking ang sinematograpiya. Dagdag na bighani ang outdoor scenes sa pelikula. Kasiya-siya na rin naman ang Glorious.
ni DANNY VIBAS