KASAYSAYAN ang maiuukit sa nalalapit na 2019 Southeast Asian Games sa unang pagsalang ng electronic sports bilang regular ne medal sport.
Ito ang inianunsiyo ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa pangunguna ni Chairman Allan Peter Cayetano sa ginanap na press briefing kahapon kasama ang opisyal na partner na Razer na leading gaming brand sa buong mundo.
“The Philippines is the first host country to stage an esports tournament as a medal event,” ani Cayetano.
“This lends credence to professional gaming as a true world-class sporting contest, as it engages a new generation of gaming fans.”
Isa lamang ang Esports sa 56 sports na inaproban ng SEAG Federation Council na idaos ng Filipinas sa ika-30 edisyon ng biennial event sa Southeast Asia sa susunod na taon.
Bilang katuwang ng Filipinas at ng SEAG, nangako ng tulong ang Razer sa pag-organisa ng makasaysayang Esports na magiging kauna-unahang online gaming medal event sa world sporting history.
Ang Razer ay nangungunang Esports promoter at gaming brand sa mundo at sumuporta sa 18 professional gaming teams mula sa 25 iba’t ibang bansa.
Siniguro rin nila ang suporta sa Philippine team bilang host country.
Upang mapili ang kakatawan sa Philippine team ay magsasagawa ang Philippine Esports Ad Hoc Committee ng nationwide qualifiers na ang lahat ng Pinoy na amateur at professional gamers ay maaaring lumahok.
Sa ngayon, wala pang partikular na online gaming ang natukoy ng PHISGOC ngunit inianunsiyo ang anim na kategorya na bubuuin ng 2 personal computer games, 2 mobile games at 2 console games.
Nitong Agosto sa 18th Asian Games ay matatandaang ipinakilala ng Indonesia ang Esports bilang demonstration sport at hindi regular na medal event. (JBU)