LEKSIYON sa mga manlalait ang naging demanda kay Keanna Reeves.
Buti naman at pansamantalang nakalaya na si Keanna sa pagkakakulong sa Laguna dahil sa panlalait n’ya sa pamamagitan ng isang Facebook video sa isang transgender woman na ang pangalan ay Nancy Dimaranan at may-ari ng isang food park sa Laguna na pinag-perform-an niya at ng ilang kasama n’ya noong Hulyo.
Ayon sa mga ulat, nainis si Keanna kay Nancy dahil ayaw nitong ipahatid pabalik sa Maynila ang aktres at mga kasamahan nito. Katwiran ni Nancy, wala naman sa kontrata nila na kailangang ipahatid n’ya si Keanna at ang grupo n’ya pagkatapos ng show. Gayunman, binigyan naman daw ni Nancy sina Keanna ng P1,500 na pang-taksi pabalik sa Quezon City.
Ilang oras lang pagkaalis ni Keanna at ng grupo n’ya, naglabas si Keanna ng video sa FB n’ya na nilalait at minumura si Nancy. Noong Hulyo pa nga lumabas ang video. Agosto noong magsampa ng demanda sa Calamba City, Laguna si Nancy.
May leksiyong matututuhan sa demandang ‘yon kay Keanna. Leksiyon para sa mga netizen na mahilig manlait. ‘Pag may makukuhang ebidensiya na ang panlalait n’yo ay nakaapekto nang matindi sa biktima n’yo, pwede kayong maipadampot at makulong—gaya ng nagawa ni Nancy kay Keanna.
Ano-anong epekto? Gaya ng epekto sa kalusugan, sa hanapbuhay o negosyo, sa relasyon ng pamilya o mag-asawa, o sa relasyon ng mga magulang sa mga anak nila.
Sa kaso nina Keana at Nancy, tinawag ni Keana si Nancy na “bakla.” Pero transgender woman pala si Nancy na may mga batang anak-anakan na ang alam ay babae talaga biologically ang kinikilala nilang ina. Nag-aaral ang mga bata at ilang araw pagkalabas ng video ni Keanna sa FB, may mga kaklase ang mga bata na tinukso sila na “bakla” pala ang nanay nila. Napahiya ang mga bata, at ayaw na nilang pumasok sa eskuwelahan. Nag-iba na rin ang tingin ng mga bata sa kanya.
Pinahalagahan ni Calamba City Regional Trial Court Judge Maria Florencia Formes Baculo ang salaysay ni Nancy kaya nagpalabas ito ng warrant of arrest para kay Keanna noong nakaraang Hulyo. Ang warrant of arrest ay para sa paglabag ni Keanna sa Republic Act No. 10175 na may bansag na Cybercrime Prevention Act.
Kaya mag-ingat kayong mga mahilig manlait sa pamamagitan ng social media. Inaaksiyonan na ng korte ngayon ang angal ng mga biktima ng panlalait.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas