POSITIBO ang lahat ng reaksiyon ng mga nanood ng Through Night and Day premiere night noong Lunes na pinagbibidahan nina Paolo Contis at Alessandra de Rossi.
Kung anong grabe ng tawanan, siya rin namang hindi mapigil ang ‘di maluha sa bandang hulihan ng pelikula.
Ang Through Night and Day na handog ng Viva Films at OctoArts Films ay unang pelikulang ginawa ni Paolo pagkaraan ng maraming taong ‘di niya paggawa ng pelikula. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataong naging leading man siya sa isang love story. Gayunman, hindi naman makukuwestiyon ang galing ni Paolo sa pagkokomedya at pagdadrama.
May nagsabi ngang, may katapat na si John Lloyd Cruz sa mga ganitong tema ng pelikula, si Paolo dahil sa tuloy-tuloy na pag-agos ng luha niya.
Si Alessandra naman na ngayo’y isa na ring producer ay hindi rin matatawaran ang galing sa paggawa ng mga ganitong klase ng pelikula lalo’t nasubok na nang mag-hit ang Kita Kita.
Natural na lumabas ang chemistry ng dalawa kaya hindi pilit na gumanap silang magdyowa. Kasi naman, matagal na rin ang pagkakaibigan nila at madalas na ring magkatrabaho. Kaya ‘yung mga tagpong nagkukulitan at naglalambingan, natural na lumabas.
Ang sabi nga, dapat gawin din ng magdyodyowa ang ginawa nina Paolo at Alessandra, ang mag-out of the country para madiskubre hangga’t maaga ang kanya-kanyang ugali.
Maganda ang pelikula kaya ‘di nakapagtatakang binigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board (CEB). Sulit din ang ibabayad ninyo sa mga sinehan dahil maganda talaga ang pelikula.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio