KOMBINSIDO si Customs Commissioner Isidro Lapeña na may lamang bilyon-bilyong halaga ng shabu ang apat na magnetic lifters na nakalusot sa Aduana.
Sinabi ni Lapeña sa press briefing sa Palasyo kahapon, batay sa resulta ng technical examination ng Bureau of Equipment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa apat na magnetic lifters na natagpuan sa GMA, Cavite kamakailan, idinisenyo ito hindi upang magkarga ng scrap metal kundi para magkaroon ng laman sa loob na may takip na hindi makikita ang loob maging ng x-ray machine.
Nauna rito’y itinanggi ni Lapeña na may lamang shabu ang magnetic lifters dahil nang madiskobre ito ay walang laman at ang resulta ng swab examination ay negatibo sa shabu.
“Because of the investigation that has been ongoing and then yesterday, when there was a presentation by the Department of Public Works Highways – Bureau of Equipment, a technical examination on the magnetic lifter, it turned out that, iyong mga magnetic lifter na iyon are not capable of –to be used in carrying scrap metal. So it was designed na iyong laman sa loob, it’s designed to contain cargo and then with the presence of iyong lid na nakita roon, the lid is also designed to conceal whatever is inside. So hindi iyon makikita – even x-ray,” ani Lapeña.
“Kaya iyon ang nangyari doon – lumusot, hindi nakita because of the lid. Iyon na iyon ang resulta ng examination ng DPWH. That is why, when that was presented, that is a convincing circumstantial evidence that made me believe na mayroong laman nga iyong magnetic lifter na apat. That is why, I changed my position. I said, I am now convinced na there is a – may laman iyon,” dagdag niya.
Tinukoy ni Lapeña na kasabwat ni Jimmy Guban sina ‘Dimayuga at Gorgonio’ na pawang mga kawani ng Bureau of Customs sa pagpapalusot ng mga kontrabando at kasapakat nila sa drug syndicate sina dating PDEA Deputy Ismael Fajardo at dating police colonel Eduardo Acierto.
Ani Lapeña, isasama sa x-ray scanning sa Bureau of Customs ang mga tauhan ng PDEA upang maiwasan maulit na makalusot ang illegal drugs.
(ROSE NOVENARIO)