Saturday , July 27 2024

Pharmally naglaba ng ‘dirty money’ sa pandemya (AMLC pasok sa probe)

091321 Hataw Frontpage

ni ROSE NOVENARIO

MAAARING drug money ang ginamit na puhunan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation para pondohan ang nasungkit na P8.6-B kontrata ng medical supplies mula sa administrasyong Duterte kaya walang money trail o walang bakas kung saan nanggaling ang puhunan ng kompanya.

Inihayag ito ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon  kaya hiniling niya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank transactions ng Pharmally.

Kung hindi mai­pali­wanag kung saan nagmula ang bilyon-bilyong pisong ginamit na kapital ng Pharmally para tustusan ang kontratang ipinagkaloob sa kom­panya ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM), pasok aniya ito sa money laundering.

Ang money laundering ay isang krimen na ang kinita mula sa ilegal na gawain ay ginamit sa mga lehitimong transaksiyon upang palabasin na legal ang pinanggalingan ng pera.

Mandato ng AMLC na tiyakin na hindi magagamit ang bansa bilang kuta ng money laundering activities.

“I would like to ask the Money Laundering Council to inspect all the bank transactions that may have occurred with this company so we will know the money trail because there’s so much billions of pesos that have occurred here. Saan naggaling ‘yang perang ‘yan at bigla silang nakapag-transact sa gobyerno na wala silang ipinakikitang kapital kundi ang P625,000,” sabi ni Gordon sa Senate hearing noong Biyernes.

“So kung wala silang maipakita, puwede bang pumasok ‘yan sa tinatawag natin na money laundering? Kung hindi nila maipaliwanag saan nanggaling ‘yang perang ‘yan? Puwedeng mang­galing sa droga ‘yan, tama ba ‘yun?” ani Gordon sa tax expert na si Mon Abrera na kinatigan nito.

Inamin sa pagdinig ni Pharmally president Huang Tzu Yen nang nanalo ang Pharmally ng kontrata ay wala itong kakayahang pinansiyal para tustusan kaya nangutang kay Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Taliwas ito sa naunang pahayag ni Yang sa Senado na ang papel lamang niya ay bilang facilitator sa pagitan ng Pharmally at suppliers sa China.

Nagsinungaling rin si Lincoln Ong, opisyal ng Pharmally, na naging guarantor lang si Yang sa Chinese suppliers kaya isinailalim siya sa house arrest ng Senado.

Maging si Yang ay muling ipinaaresto ng Senado dahil hindi nagsabi ng katotohanan ngunit hindi pa batid kung paano ipatutupad ito.

Matatandaan na iniugnay ni dating P/Col. Eduardo Acierto si Yang sa drug syndicate na ikinagalit ni Pangulong Duterte dahil matagal na niyang kaibigan ito at ginawa niyang enkargado sa kanyang binuhay na relasyon ng Filipinas sa China.

Ipinagmalaki ng Pangulo na kaibigan si Yang ng China ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.

Sa ulat ng news website bilyonaryo.ph noong 1 Setyembre 2021, walang koneksiyon ngayon si Yang sa Chinese embassy mula nang palitan ni Huang Xilian si Zhao noong Disyembre 2019.

“The Chinese ambassador doesn’t trust him (Yang) he has too much baggage and his alleged links to illegal drugs, smuggling, and money laundering  are just too much to ignore,” sabi ng source sa news website.

Maging ang kasosyo ni Yang na si Allan Lim ay naungkat sa pagdinig sa Senado na akusadong  sangkot sa illegal drugs.

Ipinakita sa Senado ang larawan ni Lim na kasama si Yang sa pulong kay Pangulong Duterte noong Marso 2017 pati ang retrato rin ni Lim kasama sina Yang at Sen. Christopher “Bong” Go.

Sa pagdinig ay ipinakita rin ang ugnayan ng asawa ni Lim na si Rose Nono Lin sa iba’t ibang kompanya kabilang ang Pharmally Biological Incorporated, sister company ng Pharmally Pharmaceutical at ng Full Win o Fu De Shieng Group sa Filipinas na pinamumunuan ni Yang.

Dahil dito pinadalhan ng summon si Rose Nono Lin na sinasabing maa­aring maging susi upang maliwanagan ang komite sa mga kaduda-dudang koneksiyon na ito.

Kaugnay nito, desi­dido ang Senado na ipagpatuloy ang imbesti­gasyon sa kabila ng matinding pag-atake ni Pangulong Duterte sa mga senador at banat na puputulin ang ugnayan ng gobyerno sa Philippine National Red Cross (PNRC), isang humanitarian organization na pinamu­munuan ni Gordon.

About Rose Novenario

Check Also

Kate Hilary Tamani

Kate Hillary Tamani, nakopo ang maraming awards sa katatapos na WCOPA sa Tate

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio SUPER-TALENTED pala ang batang si Kate Hillary Tamani. Sumungkit kasi siya …

Dolomite Beach Manila Bay Reclamation

Pagbaha sa Pasay hindi dahil sa reclamation sa Manila Bay — eksperto

TAHASANG pinasubalian ng isang eksperto na hindi reklamasyon sa Manila Bay ang direktang dahilan ng …

Pasay Baha Ulan Carina basura

Tone-toneladang basura sinisi ng LGU sa baradong  drainage system at baha

SINISI ng pamahalaang lungsod ng Pasay ang tambak-tambak na basurang nakabara sa mga daluyan ng …

BBM Bongbong Marcos Nicanor Briones

Kongresista desmayado  
SONA ni BBM walang binanggit sa anti-agri economic sabotage

NAKULANGAN si AGAP Partylist Rep. Nicanor Briones sa katatapos na ikatlong State of the Nation …

DOST kicks off Handa Pilipinas in Cebu to advance Visayas resilience

DOST kicks off Handa Pilipinas in Cebu to advance Visayas resilience

CEBU CITY, Philippines – The Visayas leg of the Department of Science and Technology’s (DOST) …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *