ITINUTURO si Cotabato City Mayor Cynthia Guiani-Sayadi na siya umanong may pakana sa malawakang diskuwalipikasyon nang mahigit 4,000 botanteng sumusuporta sa Bangsamoro Organic Law (BOL) upang walisin ang kanyang mga kalaban sa politika.
Sa isang mapangahas na hakbang, nagsampa ng petisyon ang mga kapitan ng barangay ng Cotabato City sa local na tanggapanng Commission on Elections (COMELEC) na humihiling alisin sa voters’ list ang libo-libong rehistradong botante, dahil hindi umano nakatira sa lungsod.
Ang petisyon ng barangay officials, na umano’y pinakilos ni Sayadi, ay humihingi sa diskuwalipikason maging ng mga kilalang lider sa Mindanao, kabilang na sina dating chairman ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) at ngayon ay chair ng MILF Implementing Panel Mohagher Iqbal, gayondin si Maguindanao at Cotabato City congresswoman at BOL champion Bai Sandra Sema.
Kahit umano matagal nang residente ng Cotabato City ang dalawang prominenteng lider, na nagkataong kapwa rin masigasig na nagsusulong ng BOL.
Ang pagkilos ng mga opisyal ng barangay ay pinaniniwalaang may kumpas ni Sayadi, na matagal nang humahadlang at tumutuligsa sa BOL at sa pagsama sa Cotabato City bilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Noong Hulyo, sinabi ni Mayor Sayadi sa isang panayam na makatatayong mag-isa ang Cotabato City kahit hindi mapabilang sa Bangsamoro.
Sinabi nito na mahigit 300,000 mamamayan ng lungsod ang umano’y tutol sa Bangsamoro kung gagawin ang plebisito ng mga oras na iyon.
Ito ay sa kabila ng malawakang suportang ipinakikita ng iba’t ibang grupo at ng mga mamamayan sa ratipikasyon ng BOL, may mga grupo pang nagsusulong ng “Zero No” vote sa plebisitong nakatakda sa 21 Enero.
Kinuwetisyon ng petisyon ang pagdagsa ng libo-libong bagong registrants sa Cotabato City ngunit lumitaw sa imbestigasyon na ito ay dahil sa nakatakdang plebisito para sa BOL sa Enero.
Nagpahayag ang mga residente ng Cotabato City na ito ang panahon upang sila ay magparehistro at makaboto.