WALA na ni katiting na papel sa National Food Authority (NFA) at NFA Council si Jason Aquino taliwas sa pahayag ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na hanggang Oktubre pa siya mananatiling NFA administrator.
Sa Palace press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inilinaw ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na hindi na konektado si Aquino sa NFA.
“Tapos na po ‘yang isyu na iyan. I had a talk with SAP Bong Go last night and that issue has been settled; he no longer is NFA,” ani Roque hinggil sa ulat na dumalo pa sa NFA Council meeting kamakalawa.
Nauna rito’y inihayag ni Piñol na hanggang hindi pa nag-a-assume si Gen. Rolando Bautista bilang kapalit ni Aquino ay mananatili ang huli bilang NFA administrator kahit pa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinanggap na niya ang resignation ng dating opisyal.
Kamakalawa, sinabi ni Roque na si Aquino ang isa sa mga dapat sisihin sa pagbagsak ng trust at popularity rating ng Pangulo dahil sa nilikha niyang krisis sa bigas na nagdulot ng paglobo ng inflation.
Tiniyak ni Roque na kakasuhan niya ng technical malversation, graft and corruption si Aquino para mabulok sa kulungan sa ginawang prehuwisyo sa publiko.
(ROSE NOVENARIO)