NANINIWALA si Marcelo Santos III na “perfect ang casting” ng nobela niyang isinapelikula, ang Para Sa Broken Hearted handog ng Viva Films na mapapanood na sa Oktubre 3.
Ani Santos, lagi siyang bumibisita sa shooting ng pelikula kaya nakita niya na pareho sila ng “vision” ni direk Digo Ricio kung paano isasalin ang libro sa pelikula.
Tamang-tama rin ang theme song na Ang Awit Natin na kinanta ni Janine Teñoso at komposisyon nina Jazz Nicolas at Wally Acolola, na nagsulat ng hit song na Di Na Muli.
Bibigyang buhay nina Yassi Pressman, Shy Carlos, Louise Delos Reyes, Sam Concepcionm, at Marco Gumabao ang mga karakter na sina Shalee, Jackie, Kath, Alex, at RJ.
Si Shalee (Yassi) ay isang photography enthusiast na masayahin sa kabila ng kanyang pagkakaroon ng sakit sa puso. Bata pa lang sila ay may gusto na siya kay Alex (Sam). Si Alex ay mahilig din sa arts, ngunit mga halimaw ang paborito niyang iguhit.
Si Jackie (Shy) ay isang go-getter. Laki sa nanay at lola, alam niya na kayang makamit ng babae anuman ang gustuhin niya. Kaya naman ginawa niya ang lahat para mapalapit kay RJ (Marco). Si RJ ay isang varsity player na may matamis na dila, kaya naman maraming nagkakagusto sa kanya.
Si Kath (Louise) ay malakas ang loob at mahilig sa lakaran. Marami siyang hugot, isang senyales na may dinadala siyang kalungkutan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio