TINIYAK ng Palasyo na susunod kapag iniutos ng Office of the Ombudsman na sibakin si Communications Assistant Secretary Mocha Uson bunsod ng reklamong pambabastos sa mga may kapansanan, nang ginawang katatawanan ang sign language.
“Igagalang po ng Palasyo ang proseso – kung sinabi ng Ombudsman, sibakin hindi po natin tututulan iyan,” tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque hinggil sa reklamong isinampa laban kay Uson ng Philippine Federation of the Deaf (PFD) kahapon sa Ombdusman.
Hinimok ni Roque ang publiko na hintayin ang desisyon ni Ombudsman Samuel Martires hinggil sa isyu.
“Let’s wait for decision of the Ombudsman. The Ombudsman can already order the dismissal of anyone in government because it is both an administrative and criminal case,” sabi ni Roque.
Sa ngayon, ani Roque, hindi tatalima si Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagan na sibakin si Mocha.
“As of now, no,” ani Roque.
Inakusahan ng PFD si Uson na nilabag ang Magna Carta for Disabled Persons na nagbabawal na gawing katatawanan at laitin ang mga taong may kapansanan.
Ang inasal anila ni Uson ay paglabag din sa Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at sa Anti-Cybercrime law.
(ROSE NOVENARIO)