KUNG dati’y umuusok ang ilong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ‘pakikialam’ ni Uncle Sam sa Filipinas, tameme siya ngayon sa lantarang panghihimasok ng Amerika sa politika ng bansa.
Ipinagkibit-balikat lang ng Palasyo ang pagdalaw ni Josh Morris, chief ng Internal Political Unit ng US Embassy, kay Senator Antonio Trillanes IV sa Senado kamakalawa.
“Yan naman po’y gawain talaga ng mga miyembro ng diplomatic delegation,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa pagdalaw ni Morris kay Trillanes sa Senado.
Ang pagbisita ni Morris ay naganap isang linggo matapos ang meeting nina Pangulong Duterte at US Ambassador to the Philippines Sung Kim sa Palasyo.
Gaya ni Trillanes, ayaw magsalita hinggil sa meeting nila ni Morris, tikom din ang bibig ni Pangulong Duterte sa huntahan nila ni Sung Kim.
Kinompirma ni Roque na pinulong ni Pangulong Duterte ang intelligence officials kamakalawa ng gabi sa Palasyo ngunit walang detalyeng ibinigay sa media.
Kaugnay nito, kompiyansa ang Palasyo na hindi mapatatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte .
“It’s not anything that the state cannot deal with; dream on to those who want to remove the President,” ani Roque.
Kamakailan ay isiniwalat ni Duterte na nakipagsabwatan si Trillanes sa mga dilawan, maka-kaliwa at sa Magdalo para patalsikin siya sa puwesto.
“ Si Trillanes, he’s collaborating, sleeping with the enemy,” aniya.
Sinabi ng Pangulo na ang intelligence report hinggil sa destabilisas-yon laban sa kanyang administrasyon ay ibinigay ng ibang bansa at ipupursigi ng kanyang mga kalaban sa susunod na buwan.
(ROSE NOVENARIO)