MAGPUPULONG ang mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) upang talakayin ang panibagong viral video ni Assistant Secretary Mocha Uson at pro-Duterte blogger Drew Olivar na ginawang katatawanan ang “sign language” na ginagamit ng mga pipi’t bingi.
“I will dicuss this with the team,” ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar hinggil sa viral video na umani ng batikos ng publiko.
Sa kanyang Facebook page ay inilathala ni Mocha ang video na inutusan niya si Olivar na mag-sign language at humagalpak ng tawa habang kung ano-anong senyas sa kamay ang ginawa ng pro-Duterte blogger.
Noong nakalipas na buwan ay binigyan ng memorandum ni PCOO Undersecretary Lorraine Badoy si Mocha na nagpapaalala sa kanya na kumilos bilang isang opisyal ng gobyerno na nagpapakita ng propesyonalismo sa lahat ng oras alinsunod sa itinakda ng Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ang memorandum ay resulta ng naging viral na bastos na “pepe-dede ralismo” video nina Mocha at Olivar hinggil sa isinusulong na federalismo ng administrasyong Duterte.
Napaulat na walong opisyal ng PCOO ang lumagda sa isang petisyon para tanggalin si Mocha ni Pangulong Duterte na isinumite kay Executive Secretary Salvador Medialdea dahil sa nasabing video. (ROSE NOVENARIO)