BUMULAGTANG walang buhay ang isang barangay chairman nang barilin sa ulo ng riding-in-tandem habang lulan ng kanyang motorsiklo makaraan dumalo sa isang anti-illegal drugs seminar, sa kanto ng P. Burgos Drive at Ma. Orosa St., Ermita, Maynila kahapon.
Kinilala ni SPO 3 Jonathan Bautista ng Manila Police District – Homicide Section, ang biktimang si Barangay Chairman Angel Joy Rivero, 52, ng Brgy. 330, Zone 33, namatay noon din dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong 1:50 ng hapon. Habang binabagtas ng biktima ang nabanggit na lugar nang dikitan ng mga suspek at barilin nang dalawang beses sa ulo.
Ayon kay PO3 Ferdinand Leyva, ng Manila Police District – Ermita Station (PS5), posibleng .45 kalibreng baril ang ginamit sa pagpaslang sa biktima.
Sinabi ni Barangay 330 Sangguniang Kabataan Chairman Vergel Francisco, kilala ang biktima bilang isang anti-illegal drugs advocate ngunit hindi niya alam kung may kaaway.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa kanyang trabaho bilang punong barangay, ang motibo sa pagpaslang sa biktima.
(BRIAN BILASANO)