MAGKAKAROON ng dagdag proteksiyon ang mga obrero sa nakatakdang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging batas ang Occupational Safety Health Bill ano mang araw ngayong linggo.
Sinabi ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go, layunin ng batas na matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa sa mga lugar na pinagtatrabahuan at mapanagot ang kanilang mga amo sakaling magkaroon ng aberya.
Isa sa mahalagang probisyon ng panukalang batas ang karapatan ng manggagawa na tumanggi sa trabahong may panganib at hindi puwedeng bantaan o buweltahan ng kanyang employer.
May karapatan din ang obrero sa libreng personal protective equipment (PPE) gaya ng proteksiyon para sa mga mata, mukha, kamay at paa, lifeline, safety belt o harness; gas o dust respirators o masks; at protective shields.
Habang ang covered workplaces ay dapat magkaroon ng qualified occupational health personnel na may kaukulang medical supplies, equipments at facilities.
Tinawag ni Davao City 1st District Rep. Karlo Nograles ang OSHB bilang “tibute and recognition to workers.” (ROSE NOVENARIO)