READ: Nakalusot na ‘P6.8-B shabu’ espekulasyon — Palasyo
MAGKASALUNGAT ang posisyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Bureau of Customs, sa kontrobersiyal na smuggling ng magnetic lifters na sinabing naglalaman ng 1000 kilo ng drugs sa halagang P6.8 bilyon.
Sa pagdinig ng House committee on dangerous drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, iginiit ni PDEA officer-in-charge Deputy Director General for Operation Atty. Ruel Lasala na ang magnetic lifters ay naglalaman ng ilegal na droga.
Lahat ng indikasyon at sirkumstansiya ay nagsasabi na droga ang laman ng magnetic lifters, ani Lasala.
Nagsagawa ng inspeksiyon ang PDEA sa magnetic lifters na natagpuan sa General Mariano Alvarez sa Cavite bago magpasya na may bakas ng ilegal na droga ang mga kagamitan.
Ayon kay Barbers, mahirap paniwalaan na walang kinalaman ang mga corrupt na opisyal ng Customs sa pagpupuslit ng mga droga.
Nauna nang sinabi ni Marikina City Rep. Romero Quimbo, sa kabila ng malaking pondo na ibinigay sa customs at sa PDEA, nakalulusot pa rin ang napakalaking halaga ng droga.
Pinabulaanan ni Customs Chief Isidro Lapeña na may bakas ng droga ang magnetic lifters.
Ani Lapeña, walang bakas ng droga ang mga lifter pakatapos ng inspeksiyon.
Dapat aniya maging maingat ang mga awtoridad sa paglalabas ng hindi beripikadong impormasyon.
(Gerry Baldo)