KUNG hindi magkakasundo at humantong sa deadlock ang Kamara at ang Department of Budget and Management (DBM) sa paggamit ng pondo ng gobyerno na tinaguriang “cash-based” budgeting, maaaring magresulta ito ng reenacted budget sa 2019.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman patungo na sa “impasse” ang DBM at Kamara sa isyung ito.
Ani Lagman, ang mga miyembro ng Kamara ay laban sa bagong patakaran na gustong mangyari ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Nagdulot ito ng malaking pagbabawas sa budget ng mga ahensiya ng gobyerno, ayon kay Lagman.
Sinuspende ng Kamara ang pagdinig sa 2019 Budget na isinumite ng Malacañang sa Kamara at ito’y nagbabadya ng reenacted budget sa susunod na taon.
Sa ilalim ng “cash-based budgeting” ang mga proyekto at programa na puwedeng tapusin sa isang taon ang popondohan ng gobyerno.
Sa ilalim ng “obligation-based budgeting” ang mga proyekto at programa ay maaaring pondohan ng gobyerno kahit lumagpas nang isang taon at babayaran ito kapag natapos.
Sa isang pagpupulong na ipinatawag ng liderato ng Kamara, ang mga kongresista sa oposisyon at sa magkakaibang partido ay nagsamasama sa pagtutol sa “cash-based budgeting” ni Diokno.
Ani Lagman, ang bagong innovation ay walang legal na basehan.
May ipinapaikot na resolusyon sa Kamara ngayon para hilingin sa Senado na ibalik sa Kamara ang budget reform bill upang baguhin ito.
Itinanggi ni House Majority Leader Rep. Rolando Andaya, na mayroong ‘impasse’ sa deliberasyon.
Nagtawag aniya sila ng break para makipag-usap kay Pangulong Rodrigo Duterte at magkaroon ng malinaw na senyales sa isyung ito.
ni Gerry Baldo