LUMIPAD na ang pambansang koponan na Gilas Pilipinas patungong Jakarta, Indonesia kahapon para sa 18th Asian Games nang hindi kasama ang pambatong si Jordan Clarkson.
Hindi pinayagan ng National Basketball Association (NBA) ang guwardiya ng Cleveland Cavaliers na makapaglaro para sa Filipinas sa Asian quadrennial meet na nakatakda mula 18 Agosto hanggang 2 Setyembre.
“The NBA’s agreement stipulates that NBA players can participate in the Olympics, the FIBA Basketball World Cup, Continental Cup competitions and associated qualifying tournaments,” saad ng NBA sa opisyal na pahayag na inilabas kahapon sa pamamagitan ni spokesman Tim Frank.
“Because the Asian Games are not one of those competitions, NBA players are unable to participate. In accordance with the NBA’s agreement with FIBA, Jordan is welcome to represent the Philippines in the agreed-upon competitions.”
Matatandaan noong Biyernes ng gabi inianunsyo ni head coach Yeng Guiao ang pagkakasama ni Clarkson sa final 12 roster ng koponan na sasabak sa Asiad.
Sa parehong araw din ay napag-alaman nina Guiao at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na inapbrobahan na rin ng Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) at Olympic Council of Asia (OCA) ang eligibility ng Filipino-American na si Clarkson.
Ngunit nauwi sa wala ang lahat ng iyon dahil hindi pumayag ang NBA.
Sa kabila nito, tiwala si Guiao na lalaban ang bansa sa abot ng makakaya kahit wala si Clarkson.
“Siyempre, malungkot na wala si Jordan Clarkson,” aniya. “Pero handa kami with or without him. We’ll represent the country to the best of our ability. “
Sasandal si Guiao kina Stanley Pringle, Paul Lee, Chris Tiu, Maverick Ahanmisi, James Yap, Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Christian Standhardinger, Asi Taulava at JP Erram.
Ngunit 11 manlalaro lang ito bunsod ng pagkawala ni Clarkson kaya’t susubok sina Guiao at ang SBP na ipalit si Don Trollano sa line up sa gaganapin na managers’ meeting ngayong araw sa Jakarta.
Gayonpaman, payagan man o hindi si Trollano na pumalit kay Clarkson ay nangako si Guiao ng magiting na laban mula sa kanyang mga natitirang manlalaro.
ni John Bryan Ulanday