HINAMON ni Majority Leader Rolando Andaya Jr., si Minority Leader Danilo Suarez na patunayan ang kanyang pagka-minority leader.
Ani Andaya, ang pamumuno sa minorya ay hindi sa pangalan lamang.
Si Suarez aniya ang bahalang magpasinungaling sa mga nagdududa sa kanya.
“Minority leadership is not just a matter of title, but of work, something that must be affirmed on the floor and in committee rooms daily (Ang pamumuno sa minorya ay hindi lamang patungkol sa titulo, kundi tungkol sa trabaho, isang bagay na dapat patunayan sa plenaryo at sa araw-araw na pagdinig sa mga komite),” hamon ni Andaya.
Sa kabila nito, sinabi ni Andaya na magbebenepisyo ang Kamara sa presensiya ng maraming grupo ng oposisyon.
“House benefits from many opposition, it suffers when there is none (Nagbebenepisyo ang Kamara sa mga oposisyon, magdudusa kapag wala nito),” dagdag ni Andaya.
Pinapahalagahan, aniya, ng liderato ng Kamara ang importansiya na ginagampanan ng oposisyon.
Bukod sa grupo ni Suarez, nandiyan ang grupo ni Rep. Miro Quimbo ng Marikina na may kasaping 26 mambabatas mula sa Liberal Party, sa grupo ng Makabayan at Magdalo.
Nariyan din ang grupo ni Rep. Eugene de Vera at ni dating Majority Leader Rodolfo Fariñas.
Ani Andaya, isang benepisyo ng pagkakaroon ng maraming oposisyon ang magkakaibang panukala na magmumula sa tatlong grupo na wala sa mayorya.
Dapat aniyang ibalik sa Kamara ang “healthy policy debates” na hindi naman nakaaabala sa kalendaryo ng Kamara para gampanan ang mandato nitong maghango ng batas para sa publiko.
ni Gerry Baldo