KAKAIBA pala ang ini-release kamakailan na music video para sa latest single ni Sarah Geronimo, ang Sandata. Hindi tipikal sa mga nakaraang music video ng Pop Princess kahit na “pop” pa rin ang klasipikasyon ng Sandata bilang kanta.
Sa music video ng Sandata, parang may advocacies na si Sarah sa buhay at sa career n’ya.
Ang tipikal na music video para sa mga kanta ni Sarah ay may makukulay na visuals at masiglang pagsasayaw ng singer-actress.
Ang Sandata ay tungkol sa pagpapalitaw ng katatagan at lakas ng loob sa gitna ng buhay na parang walang katiyakan dahil sa rami ng pinagdaraanang kalunos-lunos na karanasan.
Kaunti lang ang mga eksena ni Sarah sa music video dahil sa tatlong istorya ng buhay na itinampok dito. Ang isa ay tungkol sa isang glamorosang babae na dumaranas ng depression, ang pangalawa ay isang bata pang misis na gustong makalaya sa abusado n’yang asawa. Ang pangatlo ay tungkol sa isang estudyanteng binu-bully ng mga kaklase n’ya.
May ipinakita naman sa music video na panimulang resolusyon para sa sitwasyon ng tatlong characters sa mga istorya.
Naka-upload na sa You Tube ang music video at maganda naman ang reaksiyon ng fans ni Sarah sa kakaibang music video na ‘yon ng kanilang idolo. May mga nakapunang parang nagsisimula nang magkaroon ng personal advocacy si Sarah sa career n’ya.
Napuna nilang kabilang ang pagbibigay-pansin sa depression sa advocacy ng idolo nila. Naalala nilang mistulang isang atake ng depression ‘yung nangyari kay Sarah sa bandang dulo ng isang concert n’ya sa Amerika ilang buwan na ang nakararaan: nagulumihanan siya, dala na rin siguro sa pagod at puyat, humagulgol sa entablado, tumigil sa pagkanta, at tumalilis.
Pero bago siya nakatalilis ay nabanggit n’yang “feel[ing] empty” na siya sa buhay at career n’ya.
Sa paglaon ng concert tour n’yang ‘yon sa Amerika, ipinagtapat n’ya rin na, “Hindi love life, hindi success sa trabaho, hindi pera ang makapagbubuo sa ‘yo, kundi relasyon mo talaga sa Panginoong Diyos.
“Aminado po ako, minsan, madalas, nalilimutan ko po na talagang, ‘Lord, ikaw lang ang makapagpupuno sa emptiness na nararamdaman ko sa puso ko.’”
Dapat punahin na hindi pagsapi sa partikular na relihiyon ang binanggit ni Sarah na panimulang lunas sa mga dinaramdam ng tao na maaaring ‘di nakikita ng madla.
“Relasyon sa Diyos” ang binanggit ni Sarah. Relasyon na maaaring mabuo kahit sa labas ng relihiyon. At sa relasyon na ‘yon nakaangkla at umiinog ang mga makabuluhang advocacies.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas