KAHIT parang ang daldal-daldal ni Anne Curtis, hindi pala siya maangal, magaling pala siyang magtago ng mga dusa at pasa na dinanas n’ya sa paggawa ng pelikulang Buybust na idinirehe ni Erik Matti.
Ang mga pasa palang ‘yon ang dahilan kung bakit may mga tanghali noon na nagho-host si Anne ng It’s Showtime sa ABS-CBN na para siyang madreng balot na balot.
Sa send-off press conference ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) noong Martes ng hapon (July 10) para sa mga pelikulang sinusuportahan nila sa pagsali sa New York Asian Film Festival (NYAFF), ipinagtapat ng direktor na si Matti, na totoong matahimik na sinuong ni Anne ang mga panganib at pasa ng pagsusyuting ng Buybust, ang action movie na kabilang sa ipalalabas sa NYAFF.
Kuwento ni Erik, “May tuhog na eksenang limang araw naming ini-rehearse. May kasamang takbuhan sa bubong ang tuhog na eksenang ‘yon. Isa si Anne sa mga tatakbo sa bubong, na kailangang lagyan namin ng kung ano-ano para ‘di siya madulas sa pagtakbo. May fight scenes din ‘yon, pagbaba n’ya ng bubong.
“Noong syuting na talaga, naka-57 takes na kami bago kami tumigil, dahil ang feeling ko ay may isa o dalawang takes na puwede na, pakikinabangan namin ng buo,” kuwento ni Direk Erik sa rooftop function hall ng Cocoon Hotel sa Scout Tobias, QC.
“Walang angal si Anne sa paulit-ulit na kuha!” bigay-diin pa ni Direk. Pero marami namang ginagawang paraaan para makasigurong ‘di madidesgrasya o mapupuruhan ang priced actress.
Happily, tuwing umuuwi si Anne ng bahay noong panahon na ‘yon, at ipinakikita n’ya sa mister n’yang si Erwan Heussaf ang mga galos at pasa sa mga binti at braso, hindi pag-udyok na itigil na n’ya ang pangarap na maging female action star.
Iba ang trato sa kanya ni Erwan sa mga ganoong pagkakataon.
“Mas lalo lang akong nabe-baby, kasi parang naawa siya sa akin,” pagtatapat pa ni Anne sa interbyu sa kanya ng ABS-CBN.
“You know, in fact, I think it’s what made him even more excited to see this film because he saw how much effort was put into shooting this film,” dagdag pa ng aktres.
Pero naranasan din naman n’yang masuntok sa mukha noong syuting.
“And yes, this was the first time I ever got punched in the face by a man,” pag-amin n’ya.
“Yes, I was physically injured during shooting this film, pero, alam mo ‘yun, masaya siya. OK lang.”
Sana ay maparangalan sa international film festival na ‘yon si Anne, si Direk Erik, at ang pelikula na co-production ng Viva Films at Reality Entertainment.
Oo nga pala, hindi lang Buybust ang pelikula ni Anne ang ipalalabas sa NYAFF kundi ang Sid & Aya na pinagtambalan nila ni Dingdong Dantes. Solo production ‘yon ng Viva Films.
Si Direk Erik din ay may pangalawang pelikula sa festival, ang On The Job na nagtampok kina Piolo Pascual, Gerald Anderson, at John Lloyd Cruz.
Dumalo rin si Anne sa send-off na pinamunuan ng FDCP big boss na si Liza Diño. Naroon din si Irene Villamor na nagdirehe ng Sid & Aya.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas