TOTOONG nanganak si Ellen Adarna noong June 27. At totoo ring bininyagan ang sanggol ilang araw pagkasilang.
Ang mga katotohang ‘yan ay nagmula mismo sa abogado ni Ellen na si Rebo Saguisag, ayon sa report ng ABS-CBN news website.
Si Rebo ay abogado ni Ellen na nagtatanggol sa kanya sa demandang child abuse at cybercrimes na may preliminary hearing pa lang sa Prosecutor’s office ng Pasay City. (Si Rebo ay anak ng dating senador na si Rene Sagisag, na isa ring abogado.)
Laging napo-postpone ang pagdinig sa kaso at nag-akusa ang nagdedemandang si Mrs. Myrna Abu Santos na nagpe-”playing for delay” ang kampo ni Ellen, kaya siguro sumagot na ang batang Sagisag na ang panganganak ni Ellen noong June 27 ang dahilan kaya sila humingi ng postponement. Noong June 25 nakaiskedyul ang na-postpone na hearing.
Sa Cebu nakabase ang dating aktres at delikadong magbiyahe ito patungong Metro Manila para dumalo sa preliminary hearing, ayon sa abogado.
“Talaga namang wala kaming dahilan… Sinasabi nila, ‘delay.’ Maybe ‘delay,’ for her to be able to have a safe delivery. And in due time… Mahirap ibyahe, eh. It’s a matter of days pa lang, eh,” pagku-quote ng ABS-CBN news website sa batang Saguisag.
Ayon pa sa abugado, sa report ng ABS-CBN News online, noong nag-post si John Lloyd sa Instagram n’yan g@ekomsi noong July 2 na nagsasabing “fake news” ang social media report na nanganak na si Ellen at nabinyagan na ang sanggol, alam ng actor na totoo ‘yon.
Gayunman, walang binanggit na detalye ang abogado kung ano ang gender ng sannggol, kung malusog ba , at kung saan ito isinilang.
Mukhang may problema na si John Lloyd sa pagsasabi ng katotohanan.
Payo namin sa kanya: ”Ingat!”
Ang demanda kay Ellen ay resulta ng pagtawag n’ya ng “sinungaling” sa menor de edad na anak na babae ni Mrs. Santos. Ginawa ni Ellen ang pagbibintang sa pamamagitan ng social media network accounts.
Pinagbintangan n’ya ang bata na palihim na kinukunan sila ni John Lloyd ng video nang makasabay nilang kumain ang bata sa isang Japanese noodle house noong Mayo.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas