BONGGA ang launching ng Pista ng Pelikulang Pilipino 2018 sa komportableng Sequoia Hotel sa Timog Avenue, QC noong Lunes ng tanghali.
At isa sa mga dahilan kaya bongga ito ay dahil pagkatapos na pagkatapos ng grandeng question and answer session, pumunta sa isang sulok sa ground floor ng hotel sina Christian Bables, Jun Lana, at Perci Intalan—at halos lumuhod si Christian sa mag-asawa para makipagbati.
Dahil abala ang karamihan sa press people sa trabaho nila, akala ko ay kami lang ng photographer na si Noel Orsal ang nakasaksi sa nagaganap sa tatlo sa sulok na ‘yon.
‘Yon pala ay nasaksihan din ‘yon ng katotong Julie Bonifacio mula sa kinauupuan n’ya—at nakunan pa n’ya ng litrato ang parang nakaluhod na si Christian! Siguradong ipo-post ni Julie ang kuha n’ya sa lahat ng kolum n’ya.
Actually, parang hindi naman talaga lumuhod si Christian kay Direk Jun. Ang nakita namin ay nakatungo si Christian na inaakay ni Direk sa sulok, habang nasa unahan niya ang mister n’yang si Perci.
Ang nasaksihan namin mula sa kinatatayuan namin na mga limang metro lang ang layo ay ang pagpapahid ni Christian ng luha habang kausap n’ya ang mag-asawang naging producer at direktor ng pelikulang Die Beautiful na biglang nagpasikat sa kanya. Isang pagsikat na halos napantayan ang kasikatan ng bida sa pelikulang yon: si Paolo Ballesteros.
Mga sampu hanggang 15 minuto lang naman na nag-usap ang tatlo. Wala yatang panyo sa bulsa n’ya ang napakadisente at napaka-humble na si Christian. Noong humarap na siya sa kulumpon ng press, may hawak siyang promo handkerchief ng Ang Babaeng Allergic sa Wi-fi. Iniabot ‘yon sa kanya niyong mag-asawa para ipampahid ng luha n’ya.
Ang Babaeng Allergic sa Wi-fi ang entry ni Direk Jun, samantalang ang kay Christian naman ay Sign Rock na idinirehe ni Chito Rono.
Actually, very apologetic si Christian na pinagkulumpunan siya ng ilang press people pagkatapos nilang mag-usap. Apologetic din siya na sa press conference ng PPP naganap ang personal na pakikipagbati n’ya sa mag-asawa na siya namang dahilan nga na pagkumpulan siya ng ilang press people. Alam n’yang posibleng ma-bash siya na ginamit n’ya ang press conference na ‘yon para makipagbati sa mag-asawa at mapag-usapan siya.
Maaalalang nagkaroon ng mistulang hidwaan sina Christian at ng mag-asawa nang biglang tumanggi ang aktor na gawin ang sequel ng Die Beautiful matapos n’yang tanggapin ‘yon initially (or orally). Ang Born Beautiful ang sequel na ‘yon.
Ayon kay Christian, hindi naman siya mismo ang tumanggi kundi ang mga manager n’ya.
Sa interbyu n’ya pagkatapos nilang mag-usap, binigyang-diin ni Christian na dinamdam n’ya ang pagtawag sa kanya ng ”walang utang na loob.” Hindi kasi iyon totoo.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas