WALANG natatanggap ang Kapamilya network na anumang request mula kay John Lloyd Cruz na bigyan na siya muli ng assignment kaya hindi totoong tinanggihan ng network ang kahilingan niya.
‘Yan ay ayon sa report na lumabas sa mismong news website ng ABS-CBN noong Biyernes (June 29).
Naglabas ng statement ang network dahil mukhang nabwisit ang mga executive sa naglabasang pangangastigo sa kanila sa umano’y pagtanggi ng ABS-CBN sa pakiusap ng aktor (na nahibang sa starlet na si Ellen Adarna) na makapagtrabaho uli sa kompanya.
Ayon sa report ng Kapamilya news website, nagpahayag ang isang ABS-CBN spokesperson na, ”There is no truth to the reports that John Lloyd Cruz approached ABS-CBN to request that he return to work, and that the network turned him down.”
Ayon pa sa ‘di-pinangalanang spokesperson, naka-”indefinite leave” pa rin ang aktor. Gayunman, siniguro ng spokesperson na: ”ABS-CBN’s doors are always open to John Lloyd, and he will always be a Kapamilya.”
Mukhang nagsimulang maglabasan ang mga independent write-up at video report (na ‘di dumadaan sa anumang uri ng editing) na gusto nang bumalik si John Lloyd sa pagtatrabaho network nang bigla siyang sumulpot sa preliminary hearing sa Pasay City Prosecutor’s Office ng demanda laban kay Ellen. Hindi naman siya ang kailangan sa hearing, dahil hindi naman siya ang nakademanda kundi ang live-in girlfriend n’ya na nagluwal na kamakailan ng isang malusog na baby boy.
Bale sumama lang si John Lloyd sa abogadong ipinadala ni Ellen. Pagkatapos ng pagsulpot ng aktor sa okasyon na ‘yon, wala namang napabalitang may nakakakita sa kanya sa ABS-CBN compound sa Quezon City, o sa opisina ng alinman sa executives ng network.
Mukhang inimbento lang ng mga nagsulat ang istoryang gusto nang magtrabaho uli ni John Lloyd. Parang masaya na talaga siyang paikot-ikot at pasosyal-sosyal lang si Ellen.
Samantala, matatandaang nong October 2017 pa nag-file ng indefinite leave ang aktor mula sa pagiging contract star ng ABS-CBN.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas