MAS nakatutuwa si Agot Isidro ngayon kaysa noon (kahit na okey naman siya, warm and friendly kahit noon pa).
Mas kapuri-puri siya hindi dahil kapapanalo lang niya ng best actress sa FAMAS para sa pagganap n’ya ng dalawang role sa pelikulang Changing Partners: isang matronang pumatol sa binatang 25 years old, at isang may-edad nang lesbiyanang pumatol sa isang dalagang 25 years old lang din.
Mas nakatutuwa ngayon ang isa sa mga bituin ng Asintado (ng Kapamilya Network) dahil kahit na siguradong masaya siya sa acting award n’ya, sinasabi pa rin nyang mas gusto n’yang gumawa ng mas marami pang pelikula kaysa tumakbong senador sa eleksiyon next year.
Umamin naman ang Liberal Party na inalok nila siyang maging isa sa mga kandidato nila. Si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang party leader ngayon. Kilala rin siya bilang mister ni Sharon Cuneta.
Ayon sa balita, hinihikayat ng partido si Agot na sumapi at tumakbo bilang senador dahil ”she is very opinionated, matapang, and we need strong women candidates.”
Sa kabila ng papuring ‘yon, hindi pa rin siya interesadong kumandidato.
Pahayag n’ya sa media pagkatapos magwagi sa FAMAS, ”Ang sarap gumawa ng pelikula… Ang sarap umarte, especially now. I mean, ‘di ba, I mean the landscape of filmmaking has changed.
“So parang feeling ko, roon muna ako sa nag-eenjoy ako. Parang hindi yata enjoy masyado ang Senado.”
Gayunman, nang tanungin siya kung talagang sarado ang puso at isip n’ya na kumandidato, ang sagot naman n’ya ay ‘di pa rin siya sigurado.
May mga tagahanga siyang nagsasabing kaya lang siya sumasagot ng “not sure” ay para lang ‘di siya magmukhang napakaisnabera at nagtataray pa sa pagpapahalaga sa kanya ng Liberal Party.
Ang feeling ng fans n’ya ay ‘di magbabago ang isip ni Agot tungkol sa pagpasok sa politika.
Pero kung sakali, may sapat bang pinag-aralan si Agot para makipag-debate sa Senado at hindi maging katatawanan lang na gaya ng ilang celebrities na kulang sa aral na nahalal sa Senado?
Edukadang-edukada si Agot na ang tunay na pangalan ay Maria Margarita Amada Fteha Isidro. Pang-apat na anak siya ng arkitektong si Jose Isidro at ni Edwarta Fteja na isang Palestinian.
Tapos si Agot ng Interior Design sa University of the Philippines-Diliman. Ayon sa Wikepedia, tapos din siya ng Fashion Buying and Merchandising sa Fashion Institute of Technology sa New York, at Magna Cumlaude siya nang gumradweyt. May master’s din siya sa Communication mula sa Ateneo de Manila University.
Bukod sa pagiging artista sa telebisyon at pelikula, kilala na rin siya bilang stage actress na gumaganap sa mga musical at straight drama sa Ingles at sa Filipino/Tagalog.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas