GALIT na si Kris Aquino—at baka muhing-muhi pa nga—kay Mocha Uson, ang Presidential Communications Assistant Secretary, hinahamon at binabantaan na nga niya ito, pero nanatiling disente at kontralado ang bokabularyo at tono niya sa dalawang pangangastigo n’ya sa dating sexy singer-entertainer.
“I am giving you fair warning, isa pa na bastusin o babuyin mo ang tatay o ang nanay ko, magtutuos tayo,” deretsahang pahayag ni Kris kay Mocha sa Facebook Live Video n’ya bandang 9:00 p.m., Martes (June 5).
Pero may nauna nang pahayag si Kris sa kanyang Instagram noong Martes ng hapon. Mensahe n’ya kay Mocha: ”Kung may gusto kang punching bag, please ako na lang. Kasi buhay ako, kaya kitang sagutin. At hindi kita uurungan.”
Nabuwisit si Kris sa in-upload ni Mocha na dalawang video na mistulang nagpapahayag na pareho lang sina Pres. Rodrigo Duterte at Sen. Benigno Aquino na nakikipaghalikan sa babae sa publiko.
‘Yung video ni Pres. Duterte ay ‘yung kakukuha lang sa South Korea, sa pagbisita roon ng pangulo. ‘Yung naging napakakontrobersiyal—lalo pa’t naipahayag na mismong ang pangulo ang humiling na may mahalikan siyang babae mula sa audience para sumigla ang okasyonn na ‘yon.
‘Yung kay Ninoy, ama ni Kris at ng dating Pangulong Noynoy PNoy Aquino, ay kuha noong nasa eroplano pa siya na pabalik sa Pilipinas—at pagbaba n’ya, sa hagdan pa lang ng eroplano ay may bumaril na sa kanya na siya n’yang ikinamatay.
Pagtatapat ni Kris sa Instagram posting n’ya tungkol sa video na ‘yon ng kanyang ama: “Sinariwa mo ang sugat sa puso ng isang batang 12 years old nppng pinaslang ng walang kalaban-laban ang kanyang ama. Umiyak ako nang tuloy-tuloy dahil NAINGGIT ako sa 2 babaeng nakahalik sa Dad ko bago siya pinatay. Isang regalong hindi ibinigay sa nanay ko na walang tigil mo ring binastos…”
Karugtong ng mga pangungusap na ‘yan ang paninindigan ni Kris tungkol kay Mocha: “Nangako akong hindi kita papatulan—but this time you crossed the line…”
At ang dulo ng mensahe ni Kris kay Mocha sa Instagram ay: “Kung may gusto kang punching bag, please ako na lang. Kasi buhay ako, kaya kitang sagutin. At hindi kita uurungan.”
Mapupunang hindi naman ininsulto ni Kris si Mocha. Hindi n’ya pinersonal.
Wala rin siyang sinabing masama tungkol kay President Duterte.
At ganoon din kadisente ang pananalita at tono ni Kris sa Facebook Live Video n’ya. At sa halip na magtiimbagang, magtungayaw, lumuha siya sa maraming punto ng pagsasalita n’ya, humina na lang ang boses.
Pero may mga punto rin sa video na parang masigla si Kris. Heto ang isa: “Ganito na lang, babae sa babae, gusto mo ng kaaway? Ako, I’m ready. Anytime, anywhere. Harapan. Gusto mo mag-debate? Carry. Gusto mong gawin natin ‘yung eksena roon sa movie . . . ‘Four Sisters and A Wedding’ . . . You wanna do that scene with me? You want na ako ikaw, at ikaw bilang si Angel? Gawin natin para matigil ka na lang.”
Ang pinapatungkulan n’ya ay ‘yung eksena sa pelikula na hinablot ni Angel Locsin ang buhok ni Mocha at kinaladkad siya. Sa labas ng isang bar ang eksena.
Nilinaw ni Kris na kinukumpronta n’ya si Mocha dahil ‘di lang ayaw n’ya ang pambabastos nito sa mga magulang n’ya kundi para na rin maging halimbawa siya sa mga anak n’ya na huwag hayaang mabastos ang mga magulang nila.
Katwiran ni Kris: “Kasi what you (Mocha) are doing to my parents, they do not deserve. And people will tell me why are you stooping down to her level. I’m doing this because I love my mom, I love my dad, and if I don’t do this now, I’ll hate myself.
“And if I don’t do this now, I won’t be the mother I want to be. Ginagawa ko to kasi I want my sons to see what I’m willing to do for my mom and my dad.”
Nilinaw din ni Kris na ‘di siya pumapapel lang dahil tatakbo siya sa susunod na eleksiyon: “Wala akong posisyon na hinahanap. I’m not running for office. I do not seek elective office. I am not scoring brownie points for this. In fact, by doing this now, there will be some businesses that might back out of contracts,” she said.
“I just had to do this, because one, I wanted to say thank you to those who believe, thank you to those who still love my mom, thank you to those who respect what my dad has given to this country.”
Tinapos ni Kris ang live video n’ya sa pagsasabing: “God bless our country. Please God bless us with peace, God bless us with leaders we deserve. God bless us with the courage to speak up for people we love.
“Ang ipinaglalaban natin dito lahat tayo. We are all human beings who deserve respect.”
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas