HINDI sinipot ni Ellen Adarna, o ng abogado man lang n’ya, ang preliminary hearing ng demanda na child abuse at cybercrime laban sa kanya ng magulang ng batang pinagbintangan n’yang lihim na kinunan siya at si John Lloyd Cruz ng video sa isang Japanese noodle house nitong nakaraang buwan ng Mayo.
Ang ulat ay mula sa ABS-CBN news reporter na si MJ Felipe, na ipinost din ang report n’ya sa kanyang Facebook at Twitter accounts noong Lunes ng hapon (June 4), matapos nitong saksihan ang pagdinig sa prosecutor’s office (na ang dating tawag ay “fiscal’s office”) ng Pasay City noong Lunes ng tanghali.
Ang nagdedemanda ay ang ina ng batang babae na 17 years old pa lang kaya’t menor de edad pa. Myra Abo Santos ang pangalan ng ina. Noong May 15 isinampa ang demanda. Ang layon ng preliminary hearing ay para madetermina ng prosecutior kung puwede ngang isampa sa hukuman ang kaso o hindi.
Parehong dumating sa preliminary hearing ang magulang ng bata. Hindi na isinama ang anak nila dahil menor de edad pa nga ito.
Ayon kay MJ, nagtalaga ng bagong petsa ng pagdinig ang prosecutor para magkaroon pa ng pagkakataon ang kampo ni Ellen na ipahayag ang panig nila. Hindi binanggit sa ulat ni MJ kung kailan ang bagong iskedyul na itinakda.
Kung patuloy na ‘di sisipot sa preliminary hearing si Ellen at ‘di rin magpapadala ng abogadong magri-represent sa kanya, posibleng isampa na sa korte ang demanda para maisyuhan ng hukom si Ellen ng subpoena (utos) na humarap sa korte o i-represent siya ng isang abogado.
Kapag pati ang subpoena ng hukom ay ‘di pa rin n’ya sinipot o ng abogado n’ya, puwede nang isyuhan ng warrant of arrest si Ellen.
Ang puwede lang magligtas sa kanya sa pagkakakulong ng pansamantala ay kung totoong nagdadalantao pa siya, o kapapanganak lang, o nagdadalamhati sa pagyao ng kanyang ama noong May 30.
Matatandaang noong ipinalabas sa madla ni Mrs. Santos ang paghiling n’ya ng apology para sa anak n’ya mula kay Ellen, nag-post ang aktres sa kanyang Instagram ng litrato ng paa n’ya na ipine-pedicure.
Walang pinalabas na apology ang aktres kaya itinuloy ng mga magulang ang pagsasampa ng demanda.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas