NAGPAPAKA-HONEST lang naman siguro si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte nang aminin niyang hindi niya kayang tuparin ang kanyang pangakong tuldukan ang “endo” o end of contract o contractualization sa bansa.
Sinabi ito ng Pangulo sa inagurasyon ng bagong shooting range ng ARMSCOR sa Buhangin, Davao City, na hindi kakayanin ng mga kapitalista na mabigyan ng kaukulang benepisyo ang mga manggagawa.
Ang isang posibilidad umano ay kompromiso na magiging katanggap-tanggap sa sektor ng manggagawa at mga kapitalista.
Hindi nga naman puwedeng pilitin ang mga kapitalista na ibigay ang lahat sa mga obrero.
“I don’t think that I can really give them all kasi hindi naman natin mapilit ‘yung mga kapitalista na… kung walang pera o ayaw nila o tamad. Don’t make it hard for them to run the business the way they like it because that’s their money. So something of a compromise must be… maybe acceptable to everybody,” aniya.
Marami pa nga namang paraan kung paano pagkikitain sa gitna ang interes ng mga kapitalista at ng mga manggagawa lalo na ‘yung nasa service sector na nakapailalim sa kontraktuwalisasyon.
Ang ipinasa namang batas sa Kongreso na may 199 “yes” votes, ang House Bill 6908 ay upang palakasin ang security of tenure at wakasan ang lima hanggang anim na na buwang kontrata pero hindi nangangahulugan na winakasan nila ang kontraktuwalisasyon.
Imbes limang buwan, ginawa nilang tatlong taon.
Ibig sabihin lang na mas protektado ng nasabing batas ang mga middle agency o ‘yung mga manpower agency na siyang pangunahing ahensiya ng kontraktuwalisasyon.
Kunsabagay, hindi ganoon kadali na biglang wawakasan ang sistemang endo dahil alam natin na marami tayong mga kababayan na walang trabaho.
Taon-taon ay maraming gumagradweyt sa kolehiyo pero alam din natin na hindi sila agad nakapapasok sa trabaho.
‘Yan siguro ang isang konsiderasyon na iniisip ng Pangulo kaya mas mabuti nga namang, magkompromiso na lang muna.
Pero rin naman dapat na ikompromiso ang kinabukasan ng mga manggagawa. Dapat ang isang komprehensibong programa sa paggawa na magbibigay ng trabaho sa malaking puwersa ng lakas-paggawa sa buong bansa.
Panahon na para pag-isipan ng Pangulo na pag-aralan ang pagpapalakas ng iba’t ibang industriya sa bansa.
Sana ang programang Build, Build, Build ng Duterte administration ay patungo rin sa isang malawak at pangmatagalang pagpapatatag ng iba’t ibang industriya sa bansa na magbibigay ng trabaho sa maraming Filipino.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap