TAKOT maresbakan? Wala kaming maapuhap na angkop na phrase para ilarawan ang pag-amin ni Enchong Dee kung sino ang kanyang ibinotong presidential candidate noong May 2016 elections.
Sa panayam kay Enchong sa Tonight with Boy Abunda, ang naging sagot sa tanong ng King of Talk ay si Pangulong Rodrigo Duterte. For sure, nawindang ang mga nakapanood ng recent episode na ‘yon.
Kilala kasing kritiko ni Digong ang aktor, anyare?
Sa isang banda, napagtanto namin na ito’y isang political reality. Bago naman talaga mag-eleksyion, karamihan sa atin ay madaldal at matapang kung sino ang ating manok o bet.
Pero kapag hindi pinalad ang ating ibinoto’y doon na tayo sa nagwagi. Worse, ikinakalat pa natin na ‘yung nanalo ang siya namang ibinoto natin.
Hindi namin saklaw ang pag-iisip ni Enchong, neither can we read his mind pero ang makataas-kilay niyang pag-amin ay nagbigay sa amin ng klarong kaibahan ng taong may paninindigan as opposed sa isang taong nasa talampakan ang kanyang mga paniniwala’t panuntunan sa buhay.
Hence, ang patanong na simula ng aming kolum: takot maresbakan?
Matatandaan na noong pabirong nag-comment si Enchong—a native of Naga in Bicol—tungkol sa klasikong boo-boo ni PCOO ASec Mocha Uson tungkol sa geographical location ng Mt. Mayon—ay umani ng sandamakmak na batikos mula sa mga pro-Duterte netizens.
Na-silence na lang si Enchong nang may netizen na nangahas kaladkarin ang kanyang kasarian. Bakit right then and there ay hindi lumantad o nagpahiwatig man lang si Enchong na maka-Duterte naman pala siya?
Sa aminin man natin o hindi—super mega OA to the max man sa ating pandinig—Mocha Uson is President Digong, hindi nga lang necessarily vice versa.
Rito kami pinabilib ng mga lantarang anti-Duterte celebrities, bago pa man ang halalan lalong-lalo na pagkatapos.
Kesehoda kung anupaman ang paraan ng kanilang pag-aaklas, ‘di hamak na mas hinahangaan namin sina Jim Paredes at Agot Isidro, among others.
Ang balat nina Jim at Agot ay hindi maihahalintulad sa balat ng isang hunyango. Sinagan man ng araw o maulanan, kailanma’y hindi kumupas ang kulay ng dalawang ito.
Eh, si Enchong?
HOT, AW!
ni Ronnie Carrasco III