IPINAHAYAG ng singer/actor na si Lance Raymundo na wish niyang ma-feature ang life story niya sa MMK sa darating na Holy Week. Nasubaybayan namin ang kabanatang ito ng buhay ni Lance at ayon sa kanya, hindi niya malilimutang karanasan sa buhay na namatay siya at muling bumalik sa mundo matapos mabagsakan ng 105 pounds na barbell ang mukha niya noong March 19, 2014.
Sa sobrang tindi ng pinsala, kita raw ang bungo niya nang dalhin siya sa ospital. Dahil sa pangyayari, nasabi ni Lance na second life na niya ito.
Itinuturing niyang isang milagro ang pagkakaligtas sa freak accident na sinapit.
Pahayag ng singer/actor, “I am hoping na sana ay maisadula sa MMK ang naging near death experience ko noong nabagsakan ako ng 105 lbs na barbel sa mukha. It’s a story of forgiveness… faith… Inner strength… acceptance… and eventually, triumph. Kaya I think, tamang-tama na mapanood ng mga Filipino ang kuwento na iyon this Holy Week.”
Dagdag ni Lance, “I’m willing to talk to the writers and tell them exactly what happened to me… including the time na humiwalay na iyong spirit ko sa katawan ko at kinausap ako ng isang boses na inutusan akong bumalik sa katawan ko dahil marami pa raw akong mission sa mundo.”
Sakaling gawin ito ng MMK, sino ang gusto mong gumanap sa iyong life story?
Sagot niya, “Karangalan ko na gumanap sa akin ang kung sino man sa mga hinahangaan kong colleagues sa industriya naming ito.
“I think Jake Cuenca might be perfect for the role of the reborn me. Kasi, I can relate to his acting style and I like it a lot. So I guess it will be easy and convincing for him to play me.”
Nabanggit din ni Lance ang rason ng ginagawa niyang pag-iikot sa mga school. “The main focus of my talk in schools are the value of faith, love, hope and forgiveness. Halimbawa, iyong napatawad ko ‘yung trainer na nakabagsak ng barbell sa mukha ko. Iyong dahil sa malakas na faith ko at dahil ramdam ko ang pagmamahal ng maraming tao sa akin, naging madali ang pagtanggap ko sa sitwasyon na puwedeng hindi na makakita muli ang kaliwang mata ko… ‘Di na ako makalalakad nang tuwid at ‘di na maaayos ang nadurog kong mukha…
“Tinanggap ko ‘yun at sabi ko sa sarili ko… ‘Hindi kailanman mababawasan ang aking humanity dahil sa mga nawala sa akin kahit sira na ang mukha ko… kahit naka-wheelchair ako, alam ko na mahaharap ko pa rin ang mundo at kaya ko pa rin mag-excel sa buhay. Kasi, ang tunay na puhunan ng tao ay nasa kalooban niya….
“Kaya maraming mga bata ay inspired, kasi hindi ba, karamihan sa mga bata… iwanan lang ng GF o BF nila, gusto nang magpakamatay?
“Ipinakita ko sa kanila na ako ay isang tao na tulad din nila, na sa isang iglap, nawala ang maraming bagay tulad ng vision, mobility, mukha, etc… pero mas pinili ko pa rin ang mabuhay at magkaroon ng pananalig sa Diyos.”
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio