POSIBLENG maipasa sa Senado bago ang 2019 midterm elections ang panukalang magpapataw ng death penalty sa “high-level drug traffickers,” pahayag ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III, nitong Huwebes.
“‘Kung maipapasa ito, maipapasa before the elections in 2019 pero kapag hindi naipasa, tagilid ito,” pahayag ni Sotto.
“Ibig sabihin no’n ‘yung 12 maiiwan sa ‘min doon (Senate), sa tantiya ko ay hindi pabor [sa death penalty]. Unless ‘yung mga papasok sa ‘min na bago ay solid na pro-death penalty [at saka lang maipapasa after 2019 elections],” aniya.
Ang Senate subcommittee on Justice and Human Rights ay muling magpupulong upang talakayin ang isyu, ngunit sa kasalukuyan, karamihan sa mga senador ay handang ipasa ang death penalty bill ngunit ito ay limitado sa drug lords, pahayag ni Sotto.
“High-level drug trafficking lang ang may pag-asa. Other crimes, like rape and murder, ‘pag nakulong mo, hindi na makauulit kasi nandoon na sa loob [ng bilangguan]. Pero ‘yung high level drug trafficking, nakakulong na nag-oope-rate pa e,” aniya.
Ang mga kritisismo na sinasabing ang death penalty ay “anti-poor” ay tutugunan din kapag ang capital punishment ay para lamang sa drug lords.
“Sa high-level drug trafficking, walang poor na drug lord so walang mabibitay na mahirap. ‘Yung mga street pusher sa tabi-tabi, puwede nang life imprisonment ‘yun,” ayon kay Sotto.
Ang pagpapabalik sa pagpapatupad ng death penalty ay kabilang sa priority bills na isinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nitong nakaraang taon, inaprobahan ng mga alyado ng Pangulo sa mababang kapulungan ng Kongreso sa pinal na pagbasa ang kanilang bersiyon ng death penalty measure.