MALABO ang pag-asang makapasa sa Senado ang divorce bill, pahayag ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III kahapon.
Ito ay makaraan isumite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Miyerkoles, ang divorce bill para sa deliberasyon sa plenary level.
Bagama’t ang divorce bill ay umuusad na sa Kamara, sinabi ni Sotto, wala siyang alam na ano mang counterpart bill sa Senado, at ipinuntong ang pag-amiyenda sa “grounds” para sa annulment ng kasal ang maaaring agad maipasa.
“No counterpart bill, I’m not aware of any senator interested. Unless I’m wrong. An amendment to the grounds for annulment might stand a better chance of passage,” pahayag ng senador.
Ayon sa Senate website, walang mambabatas na naghain ng divorce bill sa mataas na kapulungan.
Samantala, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, sinusuportahan niya ang divorce bill sa grounds ng karahasan at pisikal na pang-aabuso, at umaasang ang counterpart measure ay agad talakayin sa Senado.
“I believe the justified reasons for divorce would include violence, abuse, pananakit (physical abuse),” aniya.
Ang Filipinas na lamang, bansang higit na nakararami ang mga Katoliko, at ang Vatican ang hindi pa nagpapatupad ng diborsiyo.
Sa kabilang dako, umaasa si Deputy Speaker Pia Cayetano, dating senador, na makalulusot ang divorce bill sa pagsusuri ng mga senador.
“‘Yun lang naman ang pakiusap ko sa lahat ng legislator whether in the House or my former colleagues in the Senate, pakinggan nila mga tao at mga concerns ng mga tao bakit nila kailangan ito (divorce law),” aniya.
SIMBAHAN
NANGAMBA
IKINALUNGKOT ng isang lider ng Catholic Church ang pag-aproba ng House panel sa lehislasyon na magpapahintulot ng diborsiyo sa Filipinas.
Ang panukala para sa mabilis at madaling diborsiyo ay pumasa sa committee level ng mababang kapulungan ng Kongreso nitong Miyerkoles, pinakamabilis sa iba pang ganitong uri ng lehislasyon.
Tinututulan ng Simbahang Katoliko ang diborsiyo sa Filipinas, isa sa dalawang estado sa mundo, bukod sa Vatican, na hindi pa ito ipinatutupad. Ang annulment ay legal, ngunit ang proseso ay umaabot nang ilang taon at aabutin ang gastos ng hanggang P250,000.
“It is the time that we have feared the most,” pahayag ni Cebu Archbishop Jose Palma.
Dahil ang panukalang batas ay isasalang na sa deliberasyon sa plenary level, ipinaalala ni Palma sa mga mambabatas na “Even the Constitution protects the sanctity of marriage.”
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, pinuno ng technical working group na nag-consolidate sa iba’t ibang bersiyon ng panukala, ito ay sangayon sa konstitusyon at walang nilabag na “sanctity of marriage.”
“What is subject to divorce proceedings are marriages long dead or vitiated from the very start. In the language of the Supreme Court, it is giving a decent burial for a cadaver of a marriage,” aniya.
HATAW News Team