SA nalalapit na pagtatapos ng La Luna Sangre ay inamin nina Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, at Richard Gutierrez na mixed emotions ang nararamdaman nila dahil mami-miss nila ang mga katrabaho na nakasama nila ng mahigit siyam na buwan.
Kuwento ni Richard, ”actually, hindi pa masyadong nagsi-sink in kasi as of now busy kami sa pagtatapos ng ‘La Luna Sangre’, pero ngayong may presscon na, ngayon ko naiisip na patapos na talaga. But more than anything, I’m thankful na na-appreciate ng audience ‘yung show from the beginning until now. Fulfilling ‘yun as an actor.
“Isa na namang project natin ang patapos na ulit at nagpapasalamat kami sa experience, first fantaserye kasi namin (KathNiel), bilang vampire at lobo so, naging masaya naman, rollercoaster ride ng ‘La Luna Sangre.’ Kaysa isipin natin ang stress, mas isipin natin ‘yung sayang ibinigay ng show at naging close kaming lahat and sa lahat ng sumuporta, simula hanggang ngayon, maraming salamat,” sabi naman ni Daniel.
Binanggit ni Daniel ang terminong ‘stress’ na ibig bang sabihin ay pinahirapan sila nang husto ng programa.
“Oo, hindi lang naman kami puro arte rito dahil mayroon din naman kaming action, hindi madaling mag-aksiyon kasi sa isang teleserye dahil may hinahabol na airing. Hindi naging madali na katulad ng movie na mayroon kang oras (mag-shoot), sa serye wala kang oras, kailangan dire-diretso. So ‘yun ang ibig kong sabihin na minsan nakaka-stress pero masaya pa rin at nasa mindset mo kung paano mo dadalhin,” paliwanag ng aktor.
Parehong naka-shades sina Richard at Daniel nang humarap sa finale presscon ng La Luna Sangre dahil hanggang 4:00 a.m. sila nagsu-shoot ng fight scenes at dahil patapos na kaya itinotodo na nila lahat.
“Kami as a group kahit alas-tres o alas-kuwatro ng umaga kanina ay masaya pa rin naman kami at nakangiti kasi siyempre excited din naman kami sa mga gusto naming ipakita sa audience namin,” saad ni Daniel.
Ayon naman kay Kathryn, ”Halo-halo rin po ang napi-feel ko kasi unang-una nahirapan ako sa mga ginawa ko kasi hindi biro ‘yung adjustments na ginawa ko as Malia. Ang daming firsts na ginawa ko kaya hindi ko makalilimutan at ang importante ‘yung relationship na nabuo ko rito sa show, feeling ko ‘yun ‘yung pinakamami-miss ko, the LLU (La Luna Unida), Moonchasers and everyone sa set talaga. Hindi naging madali para sa lahat, sa mga direktor, sa staff. Importante ang nabuong pamilya sa set at natutunan namin ng ilang buwan.”
Natanong ang KathNiel kung ano ang natutuhan nila sa karakter nilang Tristan at Malia sa La Luna Sangre.
“Yung pagmamahal, ‘yan pa rin ang pinaka-makapangyarihan sa lahat. Kasi, alam naman natin ang pinagdaanan nina Malia and Tristan.
“At the end of the day, kahit gaano kasama ‘yung isang tao, puwede mo ‘yung mabago dahil sa pagmamahal. ‘Yun ang natutuhan ko na maa-apply ko in real life,” sabi ni DJ.
Para kay Kathryn, ”hindi naging madali ang journey nina Malia at Tristan. Pero importante roon, hawak-kamay sila para malampasan lahat. In real life, may challenges na darating, hindi lahat ng panahon makikisama sa amin. Pero ang importante, hawak-kamay namin ‘yun na haharapin.”
Tulad nina Tristan at Malia sa LLS ay ipinaglalaban nila ang kanilang pagmamahalan, ganito rin ba sina Daniel at Kathryn sa totoong buhay?
“Hanggang nagmamahalan kami, oo. Siyempre hanggang nagmamahalan kayo, roon niyo ipaglalaban hangga’t mayroon,” saad ng aktor at dagdag ni Kath, ”hangga’t gusto niyo.”
Sabi ulit ni DJ, ”Ano pa ang ipaglalaban niyo kung wala na, ‘di ba?”
Say din ni Kath, ”Nasabi na, kung hanggang kailan namin gusto ipaglaban…”
“Hanggang may katuwiran ka, eh, ipaglaban mo,” natawang sabi ulit ni Daniel.
At dahil patapos na ang La Luna Sangre ay tinanong ng media kung ano ang pasabog na aabangan ng viewers.
“Abangan na lang po kasi kami rin hindi pa namin alam kung paano dahil nagsu-shoot pa po kami. Nae-excite nga po kami kung ano ang mangyayari,” duetong sabi nina DJ at Kath.
Sa Marso 2 ang last airing ng LLS at pagkalipas ng ilang araw ay may US tour ang KathNiel at babalik sila ng Abril at magpapahinga ng dalawang linggo at saka sasabak sa pelikulang gagawin nila mula sa direksiyon niCathy Garcia-Molina under Star Cinema.
Samantala, ang La Luna Sangre ang ikatlong aklat sa Imortal trilogy ng ABS-CBN at extended din ang experience ng fans online dahil sa Youtopia web series sa iWant TV, Moonchasers.ph website at La Luna Sangre filter and game apps. May mga nabibili ring exclusive merchandise sa ABS-CBN Store.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan