NANANAGINIP ang oposisyon sa pag-aakalang makapagmomobilisa sila ng people power upang mapabagsak ang administrasyong Duterte at sila ang maluluklok sa Palasyo sa pagdawit kay Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa P15.7-B Philippine Navy frigate project.
“Well, iyong mga kritiko, iyong mga hindi makapag-antay po. Iyong mga nananaginip ng another people power para makaupo iyong kanilang gustong maging presidente! Hindi po ganoon ang demokrasya sa Filipinas; may termino po iyan, mag-antay tayo,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque hinggil sa akusasyon kay Go na inimpluwensiyahan ang frigate project.
Sinang-ayonan ni Roque ang pahayag ni Go sa Senate hearing na ang mga gustong magpatalsik at agawin ang poder kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang nagpupursigeng isabit siya sa frigate deal.
“I’m sure iyong mga gahaman sa kapangyarihan na hindi makaantay sa susunod na eleksiyon na gusto nang paalisin ang Presidente, samantalang may mandato ang Presidente hanggang 2022,” ani Roque tungkol sa ibinunyag ni Go sa Senado kung sino ang may pakana ng pagda-wit sa kanya sa frigate project.
Sa pagharap kahapon ni Go sa pagdinig ng Senado, nabanggit niya na may mga grupong gustong gamitin ang isyu ng frigate deal para hindi matuloy ang proyekto at maisisi kay Pangulong Duterte.
Nanawagan si Roque sa mga opisyal sa ibang sangay ng gobyerno tulad ng lehislatura at hudikatura, huwag sanang gamitin ang kani- kanilang mga posisyon para magparatang ng mga bagay-bagay na walang ebidensiya.
Sa kaso aniya ni Sen. Antonio Trillanes IV, nabigyan ang mambabatas ng pagkakataong magkaharap sila ni Go sa Senate hearing ngunit walang naipresentang matibay na ebidensiya laban sa SAP.
(ROSE NOVENARIO)