NOONG 10:00 p.m. ng Martes, ini-announce ni Sharon Cuneta sa kanyang Instagram na @reallysharoncuneta na naka-iskedyul nang magsimula ang kanyang Mega Tour sa SMX Bacolod sa June 1, 2018.
Mukhang bumibilis ang mga development sa career ng megastar. Maaaring resulta iyon ng matindi at napakalawak na pagtanggap ng madla sa McDonald commercial ng ex- couple na Sharon at Gabby Concepcion.
Maaaring isa sa mga susunod na development ay naghahanda na ang Star Cinema ng story and script proposals para sa reunion movie ng dalawa.
Puwede ring ibang kompanya ang mag-propose ng pelikula sa ex-couple. Isang kompanya na afford ang siguradong multi-million talent fees nina Sharon at Gabby.
Siguradong hindi pwedeng package deal ‘yung dalawa dahil magkaiba sila ng managers. (Incidentally, parang walang kakibo-kibo ang respective manager nina Gabby at Sharon na tiyak kumita rin ng malaki sa matagumpay na pagsasama ng dalawa.)
Obviously, kaya ang McDonald ang nakapag-sign up sa dating magsing-irog ay dahil sila ang afford na afford ang ‘di-kakarampot lang na individual talent fee nila.
Parang wala namang exclusive movie contract si Sharon sa Star Cinema. ‘Di nga ba’t nakagawa pa siya ng indie film sa Cinemalaya last year?
Tungkol naman sa Mega Tour n’ya, actually ay wala pa siyang ini-announce na ibang detalye maliban sa petsa at venue ng unang concert. Masyado kayang magiging magastos para sa concert producer na kuning guest si Gabby?
Samantala, si Gabby din nga pala ay nag-post sa kanyang Instagram (@concepciongabby) na endorser siya ng Skinlux derma clinic sa Greenhills Promenade.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas