HINDI mangingimi si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbili ang kaluluwa sa demonyo upang masuportahan ang mga babalik na overseas Filipino workers (OFWs) na naranasan ang impiyerno sa kamay ng mga among Kuwaiti.
Sa kanyang talumpati sa mass oath-taking ng mga bagong presidential appointees kahapon sa Palasyo, inihayag ng Pangulo na hindi kaya ng kanyang sikmura na hayaan lang na magpatuloy ang pang-aabuso ng mga Arabo sa OFWs.
Kung kailangan aniyang simutin ang kaban ng bayan para lamang ayudahan ang mga uuwing inabusong OFWs, gagawin niya dahil pera rin naman ito ng mga migranteng Filipino.
Bilang paghahanda sa kanilang pagbabalik sa Filipinas, inatasan ng Pangulo ang TESDA na maghanda ng training programs para sa mga uuwing OFWs, maging sa rebel returnees.
Anang Pangulo, makatatanggap ng dalawang libong piso kada araw ang bawat rebel returnee para matuto ng magiging kabuhayan.
(ROSE NOVENARIO)