INARESTO ang tatlong radio commentators sa Quezon nitong Martes, 6 Pebrero, makaraan isyuhan ng warrant of arrest sa kasong multiple libel na inihain ni Minority Floor Leader Danilo Suarez.
Inihayag ito ng National Union of Journalists of the Philippines sa kanilang NUJP Alert sa social media.
Bukod sa mambabatas na Suarez, may inihain din na serye ng libel cases si Governor David Suarez, ang kanyang inang si dating Congresswoman Aleta, at miyembro ng kanyang staff.
Naglagak ng piyansa ang block-timers na sina Gemi Formaran, correspondent ng People’s Journal; Johnny Glorioso, dating correspondent ng dzMM at current publisher ng ADN Sunday News, at Rico Catampungan, co-host ng programang “Usapang Lalake” sa 95.1 Kiss FM Lucena, kasunod ng pag-aresto sa kanila ng mga tauhan ng Tayabas City police.
Isinilbi ng pulisya ang arrest warrant na ipinalabas nitong 21 Disyembre ni Judge Jures Callanta ng Quezon Regional Trial Court Branch 85 kahapon.
Sinabi ni Formaran sa NUJP, natutulog siya nang dumating sa kanyang bahay ang mga pulis pasado 7:00 ng umaga.
Itinuring niyang ‘harassment’ ang libel cases.
“Tinanong lang naman namin kung saan na napunta ang P70 million na PDAF ni Congressman Danilo Suarez,” ayon kay Formaran.
Si Rep. Suarez ay ama ni incumbent Gov. David Suarez.