SIRANG plaka ang hirit ni Sen. Antonio Trillanes IV na imbestigahan ng Senado ang umano’y ill-gotten wealth ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang anak na si Davao City Mayor Inday Sara Duterte, ayon sa Palasyo.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque, panahon pa ng kampanya noong 2016 elections, ay inaakusahan na ni Trillanes si Duterte na nagkamal ng kuwestiyonableng yaman.
“Lumang tugtugin. Election pa ‘yan. Wala na bang bago? Parang sirang plaka,” ani Roque hinggil sa balak ni Trillanes.
Pinagbintangan ni Trillanes si Duterte na hindi idineklara ang P211 million sa 17 bank accounts, ilang araw bago ang halalan noong 2016.
Sa kabila nang ibinulgar ni Trillanes, nanalo pa rin si Duterte at lumamang pa ng anim milyong boto kay talunang Libe-ral Party standard bearer Mar Roxas.
Hindi tinigilan ni Trillanes ang akusasyon na may nakaw na yaman ang mag-amang Duterte at humantong sa paglalabas ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Carandang ng mga pekeng bank transaction records nila na mula umano sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ginamit ng senador sa inihaing reklamong plunder laban sa Punong Ehekutibo.
(ROSE NOVENARIO)