SA ginanap na hearing ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Grace Poe hinggil sa ‘fake news’ nagbatohan ng ‘fake’ arguments ang ilang resource person.
As usual, ang batohan ay muling umabot at lumabas sa social media.
Kanya-kanyang sisihan at turuan kung sino ang nag-umpisa at kung sino talaga ang naglalabas ng mga ‘fake news.’
Isinalang ang mga ‘Blogger’ na nasa ilalim ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO).
Ang nakalulungkot sa hearing na ito, parang lahat walang ginawa kundi sisihin ang bawat isa.
As usual, parang contest na kailangang may dapat manalo hindi isang hearing na inaalam kung ano ang pros and cons ng paggamit ng teknolohiya at social media ng mga taong dapat ay naglilingkod sa gobyerno para sa kapakanan ng sambayanan.
At ang isa pang tanong, bakit ba ang mga blogger ng PCOO imbes i-promote ang mga program at accomplishment ng Duterte administration ay walang ginawa kundi makipag-away sa social media?!
Tapos na po ang eleksiyon, nanalo na ang sinuportahan nilang si Pangulong Digong at katunayan ay nakapuwesto na sila, bakit kailangan pang magpakalulong sila sa black propaganda?
Aba kahit ang inyong lingkod ay laging biktima ng mga black propaganda na ‘yan sa social media.
Pero imbes makipagbatohan sa kanila, mas minabuti nating maging positibo.
Pakiusap lang po natin sa PCOO bloggers, tulungan ninyo si Pangulong Digong na i-promote ang kanyang magagandang programa.
Huwag po ninyo siyang igawa at ihanap ng away at please lang tantanan ninyo ang pakikipag-away na para kayong mga palengkera at palengkero.
‘Yun lang po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap