CEBU CITY – Inaresto ang isang babaeng Australian national makaraang makompiskahan ng P11 milyon halaga ng hinihinalang shabu, sa lungsod na ito nitong Sabado.
Sa ulat, dumating sa Cebu mula sa Australia ang suspek na si Dorotea Moyes, 61, nitong Miyerkoles upang makipagkita sa dayuhang nobyo na nakilala niya sa internet, ayon sa pulisya.
Ngunit hindi umano tumuloy sa Cebu ang nobyo ni Moyes dahil may importanteng lakad. Nakiusap umano sa Australiana na dalhin sa Osaka, Japan ang isang bag na naglalaman ng laptop ng kanyang amo.
Nitong Sabado, kinuha ni Moyes ang bag mula sa dalawang lalaki na nagbigay rin sa kaniya ng $100 pocket money.
Ngunit naghinala si Moyes nang makasakay sa taxi kaya binuksan niya ang bag. Nakita niya roon ang isang sirang laptop at nakasuksok ang isang package na nakabalot ng packing tape.
Nang makarating sa hotel, humingi ng tulong si Moyes sa security at management. Sa tulong ng canine units, nakompirma nila na may mahigit isang kilo ng droga sa bag. Hinihinala ng mga awtoridad na ginamit ng isang international syndicate si Moyes bilang drug courier.
Ngunit kahit iginiit ng suspek na inosente siya, mahaharap pa rin siya sa kasong kriminal dahil sa kaniya nakuha ang droga, sabi ni Inspector Greg Ybiernas.